STA. BARBARA, PANGASINAN — Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa sektor ng agrikultura at pagpapaunlad ng kabuhayan sa Rehiyon I, nagsagawa ang Department of Agriculture – Agricultural Training Institute – Regional Training Center 1 (DA-ATI-RTC 1) ang Training of Trainers (TOT) on Layer Chicken Production para sa Livelihood Economic Enterprise Development (LEED) mula ika-16 hanggang ika-21 ng Marso 2026.
Layunin ng pagsasanay na ihanda ang mga benepisyaryo upang maging epektibong tagapagsanay sa kani-kanilang komunidad pagdating sa makabagong teknolohiya at pamamahala sa layer chicken production. Kabilang sa dumalo sa pagsasanay ay mga benepisyaryo ng LEED mula sa iba’t ibang lalawigan ng Ilocos Region, kabilang ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.
Sa pagbubukas ng pagsasanay, binigyang-diin ni Dr. Jayvee Bryan G. Carillio, Center Director ng ATI-RTC 1, ang kahalagahan ng TOT bilang paraan ng pagpapalaganap ng kaalaman sa mas maraming magsasaka.
“That is why we train farmer leaders, mga farmers association, mga kooperatiba para kayo po na-train na mga farmer leaders, pagbalik sa munisipyo ninyo, sa area ninyo, kayo naman ang magtuturo sa ibang magsasaka. Kaya meron tayong training of trainers,” saad ni Dr. Carillo.
Samantala, ibinahagi naman ni Dr. Grace Ventura, Chief ng Partnership Accreditation Section (PAS), ang kahalagahan ng pagbabahagi ng kaalaman sa komunidad.
“Bukod sa pag-e-enjoy, mai-apply po sa ating mga farm. Hindi lang i-apply, i-share din natin sa community natin, the way na makatulong po sa ating community.” saad ni Dr. Ventura
Sa loob ng halos isang linggo, sumailalim ang mga kalahok sa serye ng mga lektura at hands-on na gawain. Tinalakay ng mga resource persons na sina Dr. Jennifer Gangan at Mr. Lester B. Arandia ang mahahalagang paksa gaya ng wastong pag-aalaga ng manok mula sisiw hanggang sa pangingitlog, pamamahala sa kalusugan at pag-iwas sa sakit, chicken anatomy, kalagayan ng industriya ng manok, epekto ng climate change, mga lahi ng manok, makabagong teknolohiya sa produksyon, pamamahala ng rekord at ekonomiya ng Negosyo, at higit sa lahat ang praktikal na pagsasanay sa ethno-veterinary at feeds formulation.
Sa kanilang pagtatapos, ibinahagi rin ng mga kalahok ang kanilang karanasan sa pagsasanay. Ayon kay Wilfredo P. Rodriguez Jr. ng Hog Raiser Agriculture Cooperative mula La Union, naging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang kanyang karanasan sa Training of Trainers. Bagama’t may mga gawaing pansamantalang naisantabi sa kanilang tahanan dahil sa isang linggong pagsasanay, iginiit niya na higit na mahalaga ang mga kaalaman at kasanayang kanyang natutunan, para magamit at maibahagi sa iba.
Gayundin, ibinahagi ni Marie Kate B. Alintog ng Bucnit Egg Laying Association (BELA) mula Ilocos Sur na napakahalaga ng naturang pagsasanay hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para rin sa mas nakararami. Binanggit niya na ang mga kaalamang natamo mula sa programa ay hindi lamang nakatuon sa layer chicken production kundi sumasaklaw din sa iba pang mahahalagang aspeto na maaaring makatulong sa pag-unlad ng kanilang komunidad, at hinihikayat niya ang nakakarami na dumalo pag may mga gantong pa training ang ATI-RTC 1.
Ipinaliwanag din ni Dr. Maricel Dacapias, Chief ng Information Services Section (ISS), ang papel ng kooperatiba sa pagpapatuloy ng mga natutunan.
“Yung ating pong cooperative ang magtutuloy, hindi lang this year, but the following years, na makikita po ninyo na kailangan nating i-strengthen ang ating cooperative, through this kind of training.” saad ni Dr. Dacapias
Sa kabuuan, ang TOT ay nagsisilbing mahalagang hakbang upang maibahagi ang kaalaman sa mas maraming magsasaka sa pamamagitan ng mga farmer-trainers. Sa pamamagitan ng mga susunod na Farmers’ Poultry Schools (FPS), inaasahang mas mapapalawak ang saklaw ng mga benepisyaryo at mapatatag ang mga proyektong pangkabuhayan sa mga komunidad.
Ang pagtatapos ng pagsasanay ay hindi lamang pagtatapos ng isang programa, kundi simula sa bagong oportunidad na naglalayong matiyak ang seguridad sa pagkain, sapat na suplay ng itlog, at mas matatag na kabuhayan para sa mga pamilyang Pilipino.