Isang mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas na suplay ng pagkain sa Rehiyon 1 ang matagumpay na pagtatapos ng 20-araw na Basic Meat Inspection Course (BMIC). Ang nasabing programa ay magkatuwang na isinakatuparan ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center I (ATI-RTC I) at ng National Meat Inspection Service-Regional Technical Operations Center I (NMIS-RTOC I) sa ATI-RTC I, Tebag East, Sta. Barbara, Pangasinan.
Ang pagsasanay na ito, na pormal na nag-umpisa noong ika-25 ng Mayo, ay may pangunahing layunin na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga meat inspector at livestock coordinator pagdating sa tamang pagsusuri ng karne. Layunin din nitong patatagin ang kanilang pag-unawa sa kanilang mga obligasyon upang masiguro ang kalidad ng mga produkto, ituro ang mga makabagong teknolohiya at patakaran sa industriya, at ihanda sila sa pagpapatupad ng mga pamantayan sa food safety mula sa loob ng slaughterhouse hanggang sa pamamahagi nito sa publiko.
Sa pagtatapos ng pagsasanay noong Hunyo 16, 2026, ilan sa mga kalahok ang nagbahagi ng kanilang natutunan, kabilang si Ms. Edriana R. Tumanan, kalahok mula sa LGU-Calasiao. Ayon sa kanya, nakatulong ang pagsasanay upang lubos niyang maunawaan na ang tamang pagsusuri ay hindi lamang tungkol sa pagtukoy ng mga sakit ng hayop, kun’di maging sa pagtiyak na ang karneng kinakain ng publiko ay ligtas at may magandang kalidad.
Nag-iwan din ng inspirasyon si Sheilla Mae D. Cascolan, DVM, kalahok mula sa LGU-Rosales, Pangasinan. “My mind was racing to recall veterinary pathology and memorize new regulatory standards. At the same time, my clock was strictly timed around pumping schedules, milk storage, and the physical demands of motherhood. There were mornings of pure exhaustion where balancing ice packs for breastmilk alongside heavy course manual felt overwhelming. But as the days progressed, a beautiful shift happened. Step by step, my confidence returned. I found my footing, learned to trust my eyes, and reclaimed my identity as a versatile public health veterinarian.”, pagbabahagi ni Dr. Cascolan.
Samantala, naging mas makabuluhan ang pagtatapos ng programa dahil sa pagdalo ni NMIS-OIC, Executive Director, Dr. Fernando N. Lontoc. Sa kanyang mensahe, nagbigay-pugay si Dr. Lontoc sa mga kalahok sa matapang na pagtanggap ng hamon at responsibilidad ng pagiging isang meat inspector. Hinikayat niya ang mga kalahok na itaguyod ang kanilang mga prinsipiyo at maglingkod nang may integridad tungo sa ligtas na produksyon ng pagkaing karne.
Nagpaabot din ng pagpupugay at pasasalamat si NMIS-RTOC I Center Director, Dr. Orlando C. Ongsotto sa nasabing kaganapan. Aniya, bukas ang pinto ng NMIS para sa mga kalahok upang sila ay patuloy na masubaybayan at maalalayan sa pagtupad ng kanilang bagong tungkulin bilang mga meat inspectors. Binigyang-diin rin ni Dr. Ongsotto na ang tagumpay ng kanilang pagsasanay ay hindi nagtatapos sa araw ng kanilang pagtatapos, kun’di sa patuloy na ugnayan at pagtutulungan ng bawat isa upang mapanatili ang mataas na kalidad ng serbisyo sa rehiyon.
Hinikayat naman ni ATI-RTC I Center Director Dr. Jayvee Bryan G. Carillo ang mga kalahok na maging mabuting meat inspector sa kani-kanilang bayan at palaging piliin na magsilbi nang buong husay at katapatan para sa Pilipinong mamamayan. Aniya, ang mga nagsipagtapos ay ang bagong katuwang ng ATI-RTC I at NMIS-RTOC I sa pagtiyak ng malinis at ligtas na produksyon ng pagkaing karne.
Sa kanilang pagtatapos, makasisiguro ang publiko sa mas matibay na depensa laban sa mga banta sa kalusugan mula sa pagkain, habang nagiging mas ligtas at progresibo ang takbo ng industriya ng karne. Ang kanilang husay at katapatan sa tungkulin ang magiging garantiya ng mga mamamayan sa Ilocos Region na ang bawat karneng kanilang kinakain at binibili sa merkado ay dumaan sa masusing inspeksyon at ganap na sumusunod sa mga itinakdang sanitary regulations at pamantayan.