Isinagawa ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute-Regional Training Center I (DA-ATI-RTC I) at ng Department of Agriculture - Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) sa pamamagitan ng Water Resources Management Division ang isang pagsasanay na pinamagatang “Training on Construction and Supervision for Small Water Impounding Projects (SWIP)” noong ika-20 hanggang ika-25 ng Oktubre, 2025 sa Mariano Marcos State University (MMSU), Batac City, Ilocos Norte.
Ang pagsasanay ay dinaluhan ng tatlumpung (30) Agricultural and Biosystems Engineers (ABEs) mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Layunin ng pagsasanay na paigtingin ang teknikal na kakayahan ng mga kalahok sa konstruksyon, pangangasiwa, at quality control ng mga Small-Scale Irrigation Projects (SSIPs) upang masiguro ang maayos, episyente, at de-kalidad na implementasyon ng mga proyektong patubig sa kanilang mga nasasakupan.
Ang pagsasanay na ito ay itinaguyod bilang tugon sa patuloy na hamon ng kakulangan sa maaasahang mapagkukunan ng tubig para sa agrikultura, isang pangunahing isyung kinakaharap ng bansa. Sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng sapat at matatag na suplay ng tubig ay nananatiling kritikal sa pagpapataas ng produktibidad ng mga magsasaka. Upang tugunan ito, ang Small-Scale Irrigation Projects (SSIPs) ay nagsisilbing mahalagang interbensyon sa sektor ng agrikultura sapagkat nakatutulong ang mga ito upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig, mapalakas ang ani, at mapataas ang katatagan ng mga komunidad laban sa epekto ng pagbabago ng klima.
Sa pamamagitan ng ganitong pagsasanay, masisiguro na ang mga proyekto ay maisasagawa alinsunod sa mga pamantayang inhenyeriya, magagamit nang tama ang mga mapagkukunan, at maitataguyod ang matatag at napapanatiling sistema ng irigasyon. Higit pa rito, itinuturing ang programang ito bilang estratehikong hakbang para sa pagpapaunlad ng agricultural water management at pagpapalakas ng food security sa bansa.
Nagsilbing resource person sina Engr. Diosdado M. Manalus, Engr. Erwin Reños, Mr. Mr. Ariel Arenas, Engr. Jerson Pagador ng BSWM, Engr. Ephraim Manzano at Engr. Oliver Collado ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Bukod sa mga talakayan, isinagawa rin ang Practicum on Field Density Test at Site Visit sa DPWH Laboratory sa San Nicolas, Ilocos Norte, kung saan natutunan ng mga kalahok ang tamang pamamaraan ng pagsusuri sa soil compaction at kalidad ng konstruksyon. Nagsagawa rin ng field visit sa mga kasalukuyang proyekto at umiiral na SSIP sa Brgy. Nagbacalan, Batac City at Brgy. 18, San Pedro (Bingao), San Nicolas, Ilocos Norte, na nagbigay sa mga kalahok ng mas malalim na pag-unawa sa aktwal na aplikasyon ng mga teknik sa konstruksyon at supervision ng SWIP.
Ibinahagi rin ng mga kalahok ang kanilang mga natutunan at karanasan sa buong pagsasanay. “Ang pagsasanay ay napapanahon at kapaki-pakinabang sapagkat nagbigay ito ng mas malalim na pag-unawa sa tamang monitoring, quality control, at accountability sa implementasyon ng proyekto” ayon kay Mr. Jeil Rapha Calma mula sa LGU-Bacarra, Ilocos Norte, . Ganito rin ang pahayag ni Ms. Evonnie Brudo mula sa LGU-Alaminos City, Pangasinan, na ang pagsasanay ay isang makabuluhang karanasang puno ng praktikal na kaalaman. Ayon naman kay Ms. Rushen Charm Coronado mula sa DA-RFO XI, napakahalaga ng mga laboratory at site activities dahil nagbigay ito ng mas kongkretong pag-unawa sa kanilang mga tungkulin bilang project engineers na nagsusulong ng kaunlaran para sa mga magsasaka at sa sektor ng agrikultura. Ang mga pahayag na ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagsasanay.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, kapansin-pansin ang pag-unlad ng mga kalahok batay sa resulta ng kanilang pre-test at post-test. Marami sa kanila ang nagpasalamat sa ATI-RTC 1 at BSWM sa pagbibigay ng komprehensibo at makabuluhang programa na nagbigay-diin sa praktikal at teknikal na aspeto ng konstruksyon at pangangasiwa ng maliliit na proyekto sa patubig. Ang mga kasanayan at kaalaman na kanilang natamo ay hindi lamang nagpapaunlad sa kanilang propesyonal na kakayahan bilang mga engineer, kundi nag-aambag din sa pagpapalaganap ng mas episyente at modernong kasanayan sa agrikultura sa kanilang mga rehiyon.
Bilang bahagi ng pagtatapos, naghanda ang mga kalahok ng kani-kanilang re-entry plan na naglalayong maisabuhay ang kanilang mga natutunan upang mas mapabuti ang implementasyon ng mga proyekto sa patubig sa kani-kanilang lugar. Ang mga kasanayang ito ay magsisilbing gabay sa mas episyente, de-kalidad, at napapanatiling pagpapatupad ng mga proyekto—isang mahalagang hakbang tungo sa mas produktibong agrikultura at mas matatag na seguridad sa pagkain ng bansa.
Sa kanilang pagbabalik sa kani-kanilang rehiyon, dala ng mga kalahok ang pangakong gamitin ang kanilang natutunan upang isulong ang mga proyektong makikinabang ang mga lokal na magsasaka at komunidad. Ang kanilang dedikasyon ay patunay ng patuloy na pangangailangan ng edukasyon, inobasyon, at pagtutulungan upang matugunan ang mga hamon sa pag-unlad ng agrikultura at pamamahala ng yamang-tubig sa bansa. Ang pagsasanay na ito ay nagsilbing mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng mga propesyonal na magiging katuwang sa pagpapatupad ng mga inisyatibang magdudulot ng mas matatag na komunidad at pangmatagalang solusyon sa pamamahala ng tubig sa bansa.