Isinagawa ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center I (ATI-RTC I) ang Kumikitang Patok sa Pag-aalaga ng Manok: Training on Free Range Chicken Production and Enterprise (Batch 2) noong Setyembre 24–26, 2025 sa ATI-RTC I, Tebag East, Sta. Barbara, Pangasinan.
Layunin ng tatlong-araw na pagsasanay na mapalawak ang kaalaman, kasanayan, at pananaw ng mga Agricultural Extension Workers (AEWs) hinggil sa teknolohiyang angkop sa free-range chicken production at pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga maliliit na magsasaka.
Tinalakay sa pagsasanay ang mahahalagang paksa ukol sa prospects ng free-range chicken industry sa bansa, na kinikilalang lumalago dahil sa tumataas na pangangailangan sa mas ligtas, organikong karne at itlog. Ipinaliwanag ng mga tagapagsalita ang mga teknolohiya sa produksyon mula sa pagpili ng angkop na lahi ng manok, tamang sistema ng pagpapakain, maayos na disenyo ng kulungan, hanggang sa paggamit ng egg incubation system. Bukod dito, binigyang-diin ang kalusugan ng alaga at biosecurity measures, tulad ng tamang paglilinis, pagbabakuna, at pagkontrol sa pagpasok ng mga posibleng pinagmumulan ng sakit. Tinalakay rin ang aspeto ng ekonomiks sa pag-aalaga ng manok upang matulungan ang mga kalahok na masukat ang puhunan, gastos, at kita, na magsisilbing gabay sa paggawa ng market-oriented enterprise plans.
Isang hands-on activity sa feed formulation ang naging sentro ng interes ng mga kalahok. Sa gawaing ito, aktwal nilang natutunan kung paano bumuo ng balanseng pakain gamit ang lokal na materyales, kung paano ito kalkulahin sa pamamagitan ng Excel-based tool, at kung paanong makaaambag ito sa pagbabawas ng gastos sa produksyon. Marami ang nagpahayag na ito ang isa sa mga pinakapinakamakahulugang bahagi ng pagsasanay dahil magagamit nila ito hindi lamang sa sarili nilang gawain kundi pati na rin sa pagtuturo sa mga magsasaka.
Sa pagtataya ng kaalaman, kapansin-pansin ang pagtaas ng marka ng lahat ng kalahok mula pre-test hanggang post-test, na nagpapakita ng makabuluhang pagkatuto at pag-unlad ng kanilang teknikal na kakayahan. Bukod dito, nagsumite rin ang mga kalahok ng project proposals bilang bahagi ng kanilang re-entry plan upang maipakita kung paano nila isasabuhay ang mga natutunan. Mula sa mga isinumiteng proyekto, apat na pinakamahusay na proposal mula sa mga grupo na may existing nang free-range chicken production ang napili at pinagkalooban ng tig-isang egg incubator. Ang mga ito ay mula sa Rosario, La Union; Laoag City, Ilocos Norte; Umingan at Aguilar, Pangasinan, mga lugar na inaasahang magpapakita ng epektibong teknolohiya sa pagpapalaki ng manok.
Bilang pagtatapos, ipinahayag ng mga kalahok ang kaugnayan at epekto ng programa. Ayon kay Mr. Jansen Melaya mula sa Ilocos Sur, malaking tulong ang pagsasanay sa pagpapalawak ng kanilang kapasidad bilang mga extension workers na tumutulong sa mga LGU at samahan ng mga magsasaka. Para naman kay Mr. Romel Jasper Cala ng Laoag City, ang programang ito ay “napapanahon, praktikal, at kapaki-pakinabang,” lalo na sa aspeto ng feed formulation na direktang makababawas sa gastos ng mga manok. Ipinahayag din ni Mr. Jeiuz Brylle Estacio ng La Union ang kanyang pasasalamat sa ATI-RTC I sa pagbibigay ng oportunidad para sa patuloy na pagkatuto at kooperasyon sa mga kasamahang AEWs.
Binibigyang-diin ng kanilang mga karanasan na ang mga natutunan mula sa pagsasanay ay hindi lamang teknikal na kaalaman, kundi isang hakbang tungo sa pagpapatibay ng agripreneurship at pagpapaigting ng lokal na produksyon ng manok sa mga komunidad.
Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, inaasahang maisasalin ng mga AEWs sa kanilang mga nasasakupan ang mga natutunang pamamaraan upang mapalakas ang agribusiness mindset sa kanayunan at mapataas ang kita ng mga magsasaka.