Isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapaunlad ng industriya ng kawayan sa rehiyon ang isinagawa ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center I (ATI-RTC 1) na Training on Bamboo Soap Production and Enterprise: A Capacity Building for Pacalat Bamboo Growers towards Bolstering the Industry. Ang pagsasanay na ito ay ginanap noong ika-29 hanggang ika-31 ng Hulyo, 2025 sa Our Farm Republic Agribusiness Skills, Training and Assessment Center Inc. (OFASTrAC), isang akreditadong Regional Extension Service Provider sa Brgy. Torre 2nd, Mangatarem, Pangasinan.
Ang tatlong-araw na aktibidad ay dinaluhan ng 25 miyembro ng Pacalat Bamboo Growers Association (PBGA) mula sa Brgy. Pacalat, Mangatarem, Pangasinan. Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kanilang kaalaman at kasanayan upang maisulong ang produksyon, pagproseso, at iba pang aktibidad sa pagdaragdag ng halaga ng kawayan. Kabilang dito ang paggawa ng sabon gamit ang kawayan bilang pangunahing sangkap—isang karagdagang proyektong pangkabuhayan na nagsisilbing estratehiya upang higit pang palakasin ang industriya ng kawayan sa rehiyon.
Sumailalim ang mga kalahok sa serye ng mga lektura at aktuwal na pagsasanay na tumalakay sa iba’t ibang aspeto ng pagproseso ng kawayan, partikular sa wastong pamamaraan ng paggawa ng sabon. Nagsilbing resource person ng tatlong araw si Ginang Betty B. Ramos ng Center for Bamboo Development Inc. (CBDI), isang akreditadong National Extension Service Provider sa Pugo, La Union.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga natutunan at karanasan sa buong pagsasanay. “Napakaganda ng training na ito kasi napag-aralan namin kung paano ang tamang proseso ng paggawa ng sabon, dagdag pa nito, natuto na, nag – eenjoy pa kami,” saad ni Bb. Marissa S. Serafica, miyembro ng PBGA.
Nakitaan din ng malinaw na progreso ang mga kalahok batay sa resulta ng kanilang mga pre-test at post-test at presentasyon ng kanilang mga bamboo soap products.
Bilang pagpapatuloy ng kanilang pagkatuto, napagkasunduan ng asosasyon at ni Bb. Leah Astrude T. Santiago, tagapamahala ng OFASTrAC, na muli silang magsasanay para sa pagproseso ng iba pang by-products ng kawayan. Ang inisyatibong ito ay bahagi ng kanilang mas malaking hangarin na madagdagan pa ang kanilang mga miyembro upang maging isang ganap na kooperatiba.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaunlad ng kaalaman at pagpapaplawak ng kanilang grupo, inaasahan ng PGBA na lalo pang mapatatag ang kanilang samahan at makamit ang tuloy tuloy na paglago sa industriya ng kawayan.