Isinagawa ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 1 (ATI-RTC 1), katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA) – Regional Office IV-A, ang limang araw na pagsasanay na pinamagatang “Enhancing Copra Quality: Strengthening Production and Processing Practices” mula Mayo 11 hanggang 15, 2026.
Layunin ng naturang pagsasanay na higit pang mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa wastong produksyon at pagproseso ng dekalidad na copra. Nakatuon din ito sa pagpapalakas ng kamalayan hinggil sa pagsunod sa mga regulasyon ng European Union kaugnay ng MOSH (Mineral Oil Saturated Hydrocarbons) at MOAH (Mineral Oil Aromatic Hydrocarbons), na itinuturing na mahalagang usapin sa kaligtasan ng pagkain at mga langis ng gulay, kabilang ang langis ng niyog.
Pinangunahan nina Ms. Coleen G. Dimaranan, CPRO III ng PCA IV-A, at Mr. John Kennedy O. Peros, Agriculturist II ng PCA IV-A, ang serye ng mga talakayan sa buong pagsasanay. Ipinaliwanag ni Ms. Dimaranan ang siyentipikong aspeto ng MOSH-MOAH contamination at ang posibleng epekto nito sa kalusugan ng tao. Samantala, ibinahagi naman ni Mr. Peros ang mga praktikal at makabagong pamamaraan sa wastong pagpapatuyo, pag-iimbak, at pagproseso ng copra upang mabawasan ang panganib ng kontaminasyon.
Binigyang-diin sa pagsasanay ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mataas na kalidad ng copra upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong niyog, gayundin ang pagpapanatili ng kompetitibidad ng industriya ng niyog sa pandaigdigang merkado.
Bilang bahagi ng experiential learning, nagsagawa rin ng pagbisita ang mga kalahok sa iba’t ibang copra production at processing facilities sa rehiyon ng CALABARZON. Kabilang sa mga binisita ang Prime Industrial Oil Mill Corporation sa Laguna, Victor Eleazar Copra Processing Facility sa Silangang Katigan, Tayabas City, at Yakap at Halik Multi-Purpose Cooperative sa Padre Burgos, Quezon.
Sa pamamagitan ng mga pagbisitang ito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na masaksihan at maunawaan ang aktuwal na proseso ng produksyon at pagproseso ng copra na sumusunod sa internasyonal na pamantayan.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nakabuo ang bawat kalahok ng kani-kanilang re-entry plan na naglalaman ng mga konkretong hakbang upang maibahagi at maisakatuparan sa kanilang mga komunidad ang mga kaalaman at kasanayang kanilang natutunan mula sa programa.
Patunay ang mga ganitong uri ng pagsasanay sa patuloy na pagsisikap ng ATI-RTC 1 at PCA na paunlarin ang industriya ng niyog sa bansa, tiyakin ang mataas na kalidad ng mga produktong Pilipino, at mapanatili ang tiwala ng pandaigdigang merkado sa yamang niyog ng Pilipinas.