Bilang patuloy na suporta sa pagpapaunlad ng kaalaman at kasanayan ng mga Agricultural Extension Workers (AEWs) sa produksiyon ng mais, isinagawa ng Department of Agriculture–Agricultural Training Institute–Regional Training Center I (DA-ATI-RTC I) ang pagsasanay hinggil sa Specialized Corn Integrated Pest Management noong Mayo 4–5, 2026 sa DA-ATI-RTC I, Tebag East, Sta. Barbara, Pangasinan.
Layunin ng pagsasanay na mabigyan ng sapat na kaalaman at kakayahan ang mga AEWs upang makapagtatag ng mga pasilidad para sa pag-aalaga at pagpaparami ng Biological Control Agents (BCAs), tulad ng mga kaibigang kulisap (predators at parasitoids), fungi, at mga virus.
Dinaluhan ang pagsasanay ng dalawampu’t anim (26) na AEWs at tatlong (3) kawani ng Department of Agriculture–Regional Field Office I (DA-RFO I), na aktibong nakilahok sa mga talakayan, aktwal na paggawa, at pagbisita sa DA-RFO I – Regional Crop Protection Center.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, ipinahayag ng mga kalahok na nagkaroon sila ng mas malawak na kaalaman at kakayahan hinggil sa pangangalaga, pagpaparami, at paggamit ng mga BCAs upang mapuksa ang mga sakit at peste sa maisan. Nakatugon din ang pagsasanay sa pangangailangan ng mga magsasaka para sa mas mura at epektibong pamuksa ng peste, kabilang ang sipit-sipit at bau-bao bilang mga predators; Trichogramma bilang parasitoids; Metarhizium anisopliae at Beauveria bassiana bilang mga fungi; at nucleopolyhedrovirus (NPV).
Bilang resulta ng pagsasanay, nakabuo ang bawat kalahok ng balangkas ng Corn Pest Management Program para sa kani-kanilang mga lalawigan, na inaasahang maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga project proposal.
Lalamanin ng kanilang mga proyekto para sa kani-kanilang mga munisipalidad ang technology demonstrations, briefings, mga pagsasanay para sa mga magsasaka, at pagtatatag ng mga pasilidad para sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga BCAs. Ang mga naturang pasilidad ay pamamahalaan ng mga farmer cluster, katuwang ang mga kalahok na AEWs bilang mga tagapayo at gabay.