Bilang bahagi ng layunin ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) na palawakin ang produksyon ng niyog at itaas ang antas ng kabuhayan ng mga magniniyog, isinagawa ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center I (ATI-RTC I) katuwang ang Philippine Coconut Authority – Region I (PCA-R1) ang Training on Coconut Production and Nursery Establishment (Batch 2) noong Hulyo 29–31, 2025 sa Punta Riviera Resort, Ilog Malino, Bolinao, Pangasinan.
Layunin ng tatlong-araw na pagsasanay na ito na palalimin ang kaalaman ng mga magsasaka at agricultural extension workers (AEWs) ukol sa pagpupunla ng niyog at sa maayos na pagtatayo ng coconut nursery. Kabuuang 26 na indibidwal mula sa bayan ng Bolinao ang lumahok, binubuo ng mga magniniyog at AEWs na aktibong katuwang sa pagpapalaganap ng teknolohiya sa niyugan.
Kabilang sa mga tampok na aktibidad ng pagsasanay ang praktikal na pagsasagawa ng layout ng niyugan, wastong pagpupunla ng niyog gamit ang angkop na teknolohiya, at tamang pamamaraan ng pag-aabono upang mapanatili ang sigla at mataas na ani ng mga punong niyog. Isinagawa ang mga ito sa pangunguna at gabay ng mga nakapagtapos ng Training of Trainers (TOT).
Sa ikatlong araw, isinagawa ang post-training evaluation upang masukat ang natamong kaalaman ng mga kalahok, kung saan lahat ay matagumpay na nakapasa. Bukod dito, bawat isa ay bumuo ng action plan kung paano maisasalin ang kanilang mga natutunan sa kani-kanilang mga samahan at komunidad upang mas mapalaganap ang tamang kaalaman sa industriya ng niyog.
Bilang dagdag na insentibo, nakatanggap din ang mga kalahok na lisensyadong propesyunal sa larangan ng agrikultura ng 10 Continuing Professional Development (CPD) units, alinsunod sa itinakdang pamantayan ng Professional Regulation Commission (PRC).
Ang pagsasanay na ito ay isa lamang sa mga hakbang ng ATI at PCA sa pagpapatibay ng kapasidad ng mga magniniyog tungo sa mas matatag, produktibo, at masaganang industriya ng niyog sa rehiyon.