Isang mahalagang yugto sa pagpapalakas ng food safety sa rehiyon uno ang matagumpay na pagwawakas ng Basic Meat Inspection Course (BMIC) na tumagal ng 20 araw. Ang pagsasanay na ito ay magkasamang isinagawa ng Agricultural Training Institute โ Regional Training Center 1 (ATI-RTC 1) at ng National Meat Inspection Service โ Regional Technical Operations Center 1 (NMIS-RTOC 1) sa ATI-RTC 1, Tebag East, Sta. Barbara, Pangasinan.
Ang pagsasanay, na nagsimula noong Setyembre 18, ay may pangunahing layuning linangin ang kaalaman at kasanayan ng mga meat inspectors at livestock coordinators hinggil sa meat inspection, palakasin ang kanilang pag-unawa sa tungkulin at responsibilidad sa pagtiyak ng kaligtasan at kalidad ng karne, ituro ang mga bagong teknolohiya at patakaran, at ihanda sila upang masiguro ang pagsunod sa mga food safety standard mula sa pagkatay hanggang sa pamamahagi ng karne.
Sa loob ng tatlong linggo, ang 25 kalahok ay sumailalim sa isang masinsinang pag-aaral na pinamunuan ng mga dalubhasang kawani ng NMIS-RTOC 1 sa pangunguna ni Dr. Orlando C. Ongsotto. Ang mga tagapagsanay ay nagbigay hindi lamang ng komprehensibong diskusyon sa mga teoretikal na paksa, kunโdi pati na rin ng mga workshop at mahalagang exposure study visits. Upang maging ganap ang kanilang pag-unawa, dinala ang mga kalahok sa ibaโt ibang slaughterhouse, poultry dressing plant, at maging sa cold storage sa Pangasinan.
Sa pamamagitan ng mga praktikal na pag-aaral na ito, ang mga kalahok ay nagkaroon ng pagkakataong masaksihan at isagawa ang actual inspection mula sa ante-mortem (bago katayin) hanggang sa post-mortem (pagkatapos katayin), na higit na nagpahusay sa kanilang kaalaman at nagbigay ng mas malalim na pag-unawa sa kanilang mga kritikal na tungkulin. Bukod sa mga teknikal na aspeto ng meat inspection, binigyang-diin din sa pagsasanay ang malaking papel ng mga meat inspector sa pangangalaga ng kalusugan ng publiko. Nagkaroon din ng malalim na pagtukoy ng mga sakit partikular na ang mga zoonotic diseases, at ang pagpapalakas ng mahigpit na pagsunod sa sanitary regulations sa lahat ng yugto ng produksyon ng karne.
Naging mahalagang bahagi rin ng pagsasanay ang wastong paghawak, pagproseso, at pag-iimbak ng karne upang mapanatili ang kalidad nito at maiwasan ang kontaminasyon. Ang kaalamang ito ay itinuturing na kapaki-pakinabang upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa anumang panganib na dulot ng marumi o may sakit na karne.
Sa kanilang pagtatapos, hinikayat ni ATI-RTC 1 Center Director Dr. Jayvee Bryan G. Carillo ang mga kalahok na dalhin at gamitin nila ang lahat ng kaalaman at kasanayan na kanilang natutunan mula sa pagsasanay nang may malasakit, kumpiyansa, at integridad. Aniya, ang mga nagsipagtapos ay ang bagong katuwang ng ATI-RTC 1 at NMIS-RTOC 1 sa pagtiyak ng malinis at ligtas na produksyon ng pagkaing karne.
Samantala, nagbigay din ng pagpupugay at pasasalamat si Dr. Cherrie Ann T. Javier bilang kinatawan ni Dr. Ongsotto sa nasabing kaganapan. Ayon kay Dr. Javier, proteksyon at kaligtasan ng publiko ang isa sa mga pangunahing gampanin ng mga nagsipagtapos laban sa mga di-kanaisnais na gawain o pamamaraan tungkol sa animal handling. Binigyang-diin ni Dr. Javier ang mga mahahalagang katangian at tungkulin ng isang meat inspector sa pamamagitan ng pagbibigay kahulugan sa salitang ito. Ayon sa kanya, ang meat inspectors ay nangangahulugang mission-driven, ensuring safety, advocating health, trustworthy, integrity, nationโs guardians, safety first, protecting lives, excellence, commitment, truthful, objective, responsible, at service.
Sa kanilang pagtatapos, tiyak na mas magiging matatag ang proteksyon ng publiko laban sa mga panganib sa pagkain, at masisiguro ang isang mas ligtas at maunlad na industriya ng karne para sa lahat. Ang kanilang dedikasyon at kahusayan ay magsisilbing katiyakan ng bawat mamamayang Pilipino sa Ilocos Region na ang bawat piraso ng karne na kanilang binibili at inihahain ay sumailalim sa mahigpit na pagsusuri at nakatugon sa pinakamataas na pamantayan at regulasyon.