Mula sa Brgy Tallipugo, Balaoan, La Union, nakilala naming ang isang Kabataang magsasaka na si Veberly Jubilo-Uyaan. Dalawampu’t siyam taon na nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Don Mariano Marcos Memorial State University- North La Union Campus (DMMMSU-NLUC) sa Bacnotan, La Union. Siya ay sumubok magtrabaho sa ahensiya ng gobyerno ng Bureau of Plant and Industry subalit walang malinaw na direksyon si Veberly Jubilo-Uyaan noong siya’y nagdesisyong iwan ang pagiging contractual government employee sa Pangasinan noong Hulyo 2019 at umuwi siya sa kanilang bayan sa Balaoan, La Union, dala ang pangarap na magsimula ng sarili niyang negosyo.
Ngunit ang unang mga buwan ay puno ng pagsubok—nasubukan ang pagbebenta ng ice cream, cake, at street food, ngunit tila wala pa ring tagumpay na makuha.
Hanggang sa isang araw, napagtanto niyang hindi pa niya nasusubukan ang isang bagay na malapit sa kanyang puso—ang pagsasaka. Kaya noong ika-7 ng Setyembre 2020, sa tulong ng kanyang asawa at pamilya, nagsimula siya ng maliit na taniman ng kabute sa kanilang bakuran. Sa limitadong espasyo na may sukat na 2x3 metro, nagtayo sila ng simpleng growing house gamit ang kawayan, sako, at karton. Nakapagsimula sila ng 100 fruiting bags ng oyster mushroom.
Bagamat maliit, nakita nilang malaki ang potensyal ng mushroom farming. Mula sa maliit na kita, naipundar nila ang paggawa ng 700 fruiting bags. Hindi nagtagal, ginamit nila ang lahat ng kita upang makapagtayo ng mas malaking pasilidad na kayang maglaman ng 3,000 fruiting bags. Ngunit tulad ng maraming negosyante, naranasan nila ang kakulangan ng pondo para sa mas malawak na pagpapalago.
Sa parehong taon, nasertipikahan ang Vel Seirra Integrated Farm bilang isang Learning Site for Agriculture sa rehiyon uno na nagbibigay ng teknikal na pagsasanay patungkol sa produksyon ng kabute, pagtatanim ng mga halamang gamot, at vermicomposting.
“Sa pamamagitan ng akreditasyong ito, nagkaroon din ako ng pagkakataong maibahagi ang aking mga natutunan sa iba pang magsasaka sa aming komunidad, na tumutulong sa kanila na mapabuti ang kanilang mga sakahan. Ang mga pagsasanay na aking dinaluhan sa ilalim ng Agricultural Training Institute (ATI) ay nagbigay sa akin ng pinakabagong kaalaman at teknolohiya sa pagsasaka, na nagiging daan upang maging mas madali at produktibo ang pagsasaka.”
Nakatanggap sila rito ng interbisyon na nakapagbigay sa kanila ng pasilidad na magagamit nila sa mga pagsasanay na kinokonduct nila sa kanilang lugar ay karatig pang lugar na may interes sa pagkakabute.
Ilan nga sa mga pagsasanay na ito ay ang Pagsasanay sa Produksyon ng Kabuteng Volvariella noong Disyembre 27, 2024, na inisyatiba ng pamahalaang lokal ng Balaoan, sa Vel-Seirra Integrated Farm, kung saan nagsilbing tagapagsalita si Gng. Veberly Uyaan, na may layuning bigyang kapangyarihan ang mga kabataan upang tuklasin ang oportunidad sa pagsasaka bilang isang negosyo. Napakinabangan ito ng 42 mag-aaral sa Grade 12 at 8 kabataang out-of-school (OSYs).
Bukod pa rito, ang DA-RFO1 ay nagsagawa ng walong (8) batch ng dalawang araw na pagsasanay tungkol sa produksyon ng kabute sa iba’t ibang lugar sa Rehiyon ng Ilocos noong buwan ng Agosto na pinapalakas ang mga Kababaihan sa Rural na Sektor ng Agrikultura sa Pamamagitan ng Pagsasanay sa Participatory Community Mushroom Production.
Ang mga pagsasanay ay ginanap sa iba’t ibang lugar noong Agosto 6-9, 13-16, 19-22, at 27-30, 2024 para sa Cervantes Mushroom Growers and Processors Association ng Cervantes, Ilocos Sur; Darasdas Rural Improvement Club ng Solsona, Ilocos Norte; San Isidro Cacao Producers Association ng Naguilian, La Union; Green Ladies Association of District 2 (GLAD2) ng Burgos, La Union; Canarem Rural Improvement Club ng Natividad, Pangasinan; Wonder Mom Rural Improvement Club ng San Fabian, Pangasinan; Urdaneta City Federated Rural Improvement Club; at Sulong Asinan Rural Improvement Club ng Bugallon, Pangasinan.
Ang kabuuang 176 na kalahok ay nabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng karagdagang kita sa pamamagitan ng produksyon ng kabute.
Dahil dito, si Ms. Uyaan ay kinilala bilang Region I Outstanding Rural Woman na sasabak sa pambansang kompetisyon dahil sa pagbabahagi niya ng kanyang kaalaman at karanasan sa produksyon ng kabute.
Hindi lamang nito pinalalakas ang mga kababaihan sa rural na sektor mula sa aspeto ng ekonomiya, kundi pati na rin sa maliit na sektor ng lipunan na nagdudulot ng mas maayos na kabuhayan at nagpapa-unlad ng mga lugar sa kanayunan.
Sa kasalukuyan, may isang batch ng Farmer Field School on Corn na isinasagawa sa pamumuno ng Vel-Seirra Integrated Farm mula sa inisyatiba ng DA-ATI-RTC I. Bilang kapartner sa pagpapalaganap ng pagsasanay, ang mais na siya ring isang pangunahing raw materials nila sa paggawa ng mushroom substrates. Lumawak na ang produksiyon nila ng mushroom, bukod pa sa oyster mushrooms, meron na rin silang Volvariella mushrooms (matatag sa pagbabago ng klima), at Earwood mushrooms (Tenga ng Daga) na pinapatubo sa ngayon. Sa kanilang farm, nagpapatupad din sila ng zero-waste management sa pamamagitan ng pag-convert ng mga agricultural waste tulad ng mga bunga ng okra, balat ng mais, at balat ng munggo bilang organikong pataba.
“Bilang kabataan, ang pagkakaroon ng akreditasyon bilang Learning Site for Agriculture ay tunay na nagbukas ng maraming oportunidad para sa akin. Natutunan ko ang mas epektibong paraan ng pagsasaka, kaya't mas marami akong naaani at mas tumataas ang aking kita. Mula sa buwanang kabuuang kita na ₱4000 to ₱6000, ngayon ₱50,000 hanggang ₱70,000, nagkaroon kami ng stable income at nakalikha rin ng trabaho para sa mga OSYs, mga ina, at iba pang mga tao. Nagbigay ito sa akin ng mas malalim na kaalaman tungkol sa mga sustainable na pamamaraan ng agrikultura, na nagbigay din ng mga kasangkapan upang mapabuti ang produktibidad at makapagpakilala ng mga inobasyon sa aking sakahan. Dahil dito, naging gabay ako sa iba sa aming lugar, nagbibigay ng payo at ibinabahagi ang mga kaalamang natutunan ko. Nakikinabang dito ang aking pamilya dahil nagdudulot ito ng mas matatag na kita at mas maayos na kalidad ng buhay para sa amin.”
Bilang inobasyon nila sa kanilang farm, Ang Vel-Seirra Integrated Farm ay nangunguna sa paggamit ng mga teknolohiyang angkop sa pagbabago ng klima, kabilang ang humidifier, misting system, at grow light technology, na nagpapahintulot sa tuloy-tuloy at climate-adaptive na produksyon ng kabute sa buong taon.
Araw-araw, nakakapagharvest sila ng 20-30 kilos na mushroom kaya naman, nagventure na rin sila sa paggawa ng mga espesyal na produktong gawa sa kabute tulad ng kropek, alak, polvoron, binagoongan, at chili garlic.
Bukod sa produksyon, aktibong sinusuportahan ng Vel-Seirra Integrated Farm ang komunidad sa pamamagitan ng libreng mga programa sa pagsasanay, mga inisyatibo para sa kabuhayan, at pakikipagtulungan sa pribadong sektor.
Hindi siya tumitigil sa pagtuklas ng iba’t ibang kaalaman gayundin ang mga patimpalak na sinasalihan upang mas mapaunlad pa ang kaalaman at mapalaganap ang layunin ni Veberly, hanggang sa Nakita niya sa Facebook ang Young Farmers Challenge Program ng Department of Agriculture. Agad niyang ibinahagi ito sa kanyang asawa at sinubukan nilang mag-apply. Gamit ang tapang at determinasyon, inihanda nila ang lahat ng kinakailangang dokumento, tulad ng business model canvas at business plan.
Mula sa 78 grantees ng rehiyon, napili sila bilang isa sa tatlo nangunguna sa La Union. Nakapagkamit sila ng PHP 100,000 na grant capital, na ginamit nila upang makapagtayo ng mas malaking growing house na may kapasidad na 8,000 hanggang 10,000 fruiting bags. Bukod dito, nakabili rin sila ng mga kagamitan tulad ng manual bagging machine, PH meter, at moisture meter.
Hindi rito nagtapos ang kanilang tagumpay. Sa bawat antas ng kompetisyon—mula probinsyal hanggang pambansa—patuloy nilang pinatunayan ang kanilang kakayahan. Ilan nga sa mga natanggap nilang parangal ay ang:
1. Young Farmers Challenge Program Provincial Winner, Regional Winner and Top 15 National Finalist;
2. Outstanding Agricultural Entreprenuer- Provincial Government of La Union;
3. Awarded Resoultion from SK Federation of Provincial of La Union;
4. Best Presenter During the Kapatid Agri Mentor Me Program Madiskarteng Kababaihan sa Agrikultura;
5. Most Inspiring MSME 2023 of Go Negosyo;
6. Regional Awardee for Upscaling Competition 2023 of Department of Agriculture;
7. 2024 INJAP SIA Outstanding Young Entreprenuer-PCCI;
8. Regional and National Finalist of Outstanding Rural Women 2024;
9. One of the Top 40 Seal Sega Awardee; and
10. One of the Top 10 Social Enterprise.
Dahil sa kanilang pagsusumikap, natanggap nila ang dagdag na insentibo mula sa Provincial Government of La Union na pinamumunuan ni Governor Francisco Emmanuel R. Ortega III, at marami pang institusyon na sinalihan nilang patimpalak na nakapagbigay ng pinansyal na pabuya. Ang karagdagang pondo ay ginamit para lalo pang mapalago ang kanilang negosyo.
Ngayon, ang Vel-Seirra Integrated Farm ay isa nang matagumpay na negosyo na hindi lamang nagdudulot ng kita kundi nagbibigay din ng kabuhayan sa kanilang komunidad. Sa kanilang patuloy na inobasyon at pakikipagtulungan sa NGO at pribadong sektor, natutulungan nila ang mga kabataan, kababaihan, at mga pamilyang nangangailangan na magkaroon ng sariling kabuhayan.
Pangarap pa ng Vel-Seirra Integrated Farm na palawakin ang epekto nito sa komunidad sa pamamagitan ng programang "grow now, pay later" para sa mga nagnanais maging mushroom growers. Ang programang ito ay nakatuon sa pagtulong sa mga lokal na kababaihan, kabataan, at mga pamilyang nangangailangan.
“Para sa akin, ang tagumpay ay ang makita ang tagumpay ng iba,” ibinahagi ni Jubilo-Uyaan, na binibigyang-diin ang dedikasyon ng farm sa pagpapalakas ng mga komunidad at pag-inspire sa susunod na henerasyon ng mga negosyanteng pang-agrikultura.
Story by: