
Sakahang Pamana sa Ika-apat na Henerasyon
Sa puso ng Balungao, Pangasinan, matatagpuan ang Balungao Integrated Farm (BIF), isang pag-aari ng pamilya na nagpatuloy sa loob ng apat na henerasyon. Ang kasalukuyang tagapamahala, si G. Christian “Bogs” Peralta, ay isang kabataang nagtapos sa Political Science sa De La Salle University, ngunit piniling magbalik sa kanilang pamana ng pagsasaka, dahil nakita niya ang potensyal ng pagsasaka bilang isang kapaki-pakinabang na negosyo. Hindi lamang niya ipinagpatuloy ang tradisyon ng kanilang pamilya, kundi pinalago pa ito bilang isang modelo ng sustainable agriculture and integrated farming na may malalim na pangako sa pagpapa-unlad ng komunidad.
Payak na Panimula ng BIF
Nagsimula ang kwento ng BIF sa panahon ng lolo ng lolo ni Christian. Noong 2015, ipinasa ito sa kanya ng kanyang mga magulang. Bagaman malayo ang kanyang natutunan sa kursong Political Science, ginamit ni Christian ang kanyang kaalaman at kasanayan upang mapabuti ang kanilang sakahan. "Yung vision namin habang kumikita kami, gusto rin namin magkaroon ng positibong epekto sa ibang tao—sa mga empleyado, sa mga may-ari ng negosyo, at siyempre sa komunidad," pagbabahagi ni Bogs.
Mga Hamon at Tagumpay sa Pagsasaka
Sa kabila ng mga pagsubok, tulad ng pagbaba ng bilang ng kanilang mga alagang baka mula 120 hanggang 60 dahil sa mga sakit at kalamidad, natutunan ni Bogs ang mga mahahalagang aral. Ngayon, nakabalik na ang bilang ng kanilang baka sa 160, at minsan ay umabot pa sa 200. “Dito po, tinatanggal po namin talaga yung mga non-performers at ang tinitira po namin yung mga pasok sa breeding program namin,” paliwanag niya. Isa sa mga pinakamalaking pagbabago na kanilang ipinatupad ay ang pagpapalit mula sa cut-and-carry system patungo sa pagpapagala ng mga baka. “Napakalaking difference in terms of profitability,” sabi ni Bogs, na binibigyang-diin ang mas mababang gastos at mas mataas na kita.
Nang ipinasa kay Bogs ang pamamahala ng BIF, kinaharap nila ang problema ng mahinang kalidad ng mga hayop at kakulangan sa sapat na damo para sa kanilang pagkain. Sa pamamagitan ng pagbisita sa ibang mga sakahan at pag-aaral ng mga epektibong pamamaraan, natutunan nila ang kahalagahan ng pagpili ng tamang uri ng mga damo tulad ng napier at mumbasa, na pwedeng itanim para masigurong may sapat na pagkain ang kanilang mga alaga. Sa halip na tumingin lamang sa dami ng kanilang hayop, itinuon ni Bogs ang pansin sa kalidad at kalusugan ng mga ito, tinanggal ang mga hindi magagandang lahi at pinalakas ang kanilang breeding program. Bukod dito, pinasok din niya ang pagtatanim ng palay at mais, at ibinahagi ang mga natutunan sa mga nakapalibot na magsasaka. Sa kanyang pangunguna, naging modelo ang BIF sa pagsasama ng makabagong teknolohiya at tradisyunal na kasanayan sa komunidad.
Kahalagahan ng Kalikasan sa Negosyo
Hindi lamang nakatuon ang BIF sa pagpapalago ng kanilang negosyo kundi pati na rin sa pangangalaga sa kalikasan. Isa sa kanilang mga pangunahing estratehiya ay ang paggamit ng organic fertilizers at ang paggawa ng kanilang sariling corn silage. "Nakita po namin na itong compost natin ay napaka-valuable na resource," aniya, na tumutukoy sa kanilang vermiculture at ang pagbabalik ng mga nalalabing materyales sa kanilang sistema ng sakahan. Sa pamamagitan ng ultra-high density grazing program, natutunan nilang mapanatiling malusog ang kanilang lupa. “Hindi na namin kailangang maglagay ng fertilizer sa lupa,” pahayag ni Bogs, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng tamang pagpapahinga ng pastulan at ang paggamit ng organic sprays para sa pagtaas ng ani.
Pag-aambag sa Komunidad
Bukod sa tagumpay ng kanilang sakahan, ang BIF bilang isang Learning Site for Agriculture (LSA) ay naging isang mahalagang bahagi ng komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman sa pag-aalaga at pagpapalago ng iba’t ibang kahayupan tulad na lamng ng kambing, baka, tupa, manok, at baboy dahil ito ay nagsisilbing techno-demonstration area hindi lamang sa kanilang lugar kundi ng iba pang mga nagpupunta roon na mga interesado matuto sa pagaalaga ng hayop.
Ayon kay Laurence Andrada, team leader ng BIF, "Malaki ang naitutulong ng Balungao Integrated Farm, dahil dito ko kinukuha ang pang araw-araw na gastusin. Dito rin ako kumukuha ng pangtustos sa pag-aaral ng dalawa kong anak." Sa kanilang programa ng corn silage production, natutulungan nila ang mga lokal na magsasaka na ibenta ang kanilang mga mais bago pa man ito masira. Nagbibigay din sila ng trabaho sa mga residente ng Balungao, lalo na sa panahon ng tag-ulan kung kailan kakaunti ang mga trabaho.
Payo para sa Mga Bagong Agri-preneurs
Bilang isang tagapagtaguyod ng sustainable farming, may mahalagang payo si Bogs para sa mga nagsisimula pa lang sa pagsasaka: “Mag-start po muna tayo ng small sa enterprise natin. Unti-unti po nating pag-aralan yung enterprise as it grows,” payo niya. Naniniwala siya na sa bawat pagkakamali, may natutunan, at sa bawat tagumpay, may pagkakataon pang mag-improve.
"Maganda ang mag-venture sa integrated livestock farming dahil kung magkakasakit o mapepeste ang isang uri ng hayop, maaari pa ring makakuha ng kita mula sa ibang klase ng hayop, at mas mataas ang kita kumpara sa pagtatanim ng gulay at palay, kaya't hinihimok ang mga magsasaka na subukan ang ganitong Sistema ang integrated farming system, at maaari rin bisitahin ang BIF upang matutunan at kopyahin ang kanilang matagumpay na teknolohiya."
Hinihikayat din niya ang mga kabataan na yakapin ang agrikultura, sapagkat dito may pera, at sa pamamagitan ng pagsasaka, hindi lamang tayo nakatutulong sa ekonomiya, kundi nag-aambag din tayo sa kalikasan at sa pag-unlad ng ating mga komunidad. Ang Balungao Integrated Farm ay hindi lamang isang halimbawa ng matagumpay na pagsasaka kundi isang inspirasyon para sa lahat ng nagnanais magtanim ng binhi ng pagbabago.
Story by: