Sa mata ng marami, ang pagiging magsasaka ay isang hamon na tila hindi matatawaran—isang buhay na puno ng pagod, init ng araw, at pagsisikap. Subalit para kay Ginoong Samuel B. Mercado, 62 taong gulang mula sa Barangay Maasin, Mangaldan, Pangasinan, ang pagsasaka ay higit pa sa hanapbuhay. Ito ay kanyang misyon, adhikain, at isang layunin para sa kapwa at bayan.
Buhay na Binalikan para sa Sakahan
Nag-ugat sa simpleng pangarap, nagtapos si G. Sam ng kursong Vocational-General Radio Operations at nakapagtrabaho sa Benguet Corporation sa loob ng pitong taon. Ngunit sa kabila ng pagkakaroon ng matatag na propesyon, nanaig ang kanyang pagmamahal sa lupa at bumalik siya sa pagsasaka. Sa kanyang 1.5 ektaryang sakahan, kung saan bahagi nito ay inuupahan, unti-unti niyang itinaguyod ang kanyang pamilya. Sa pamamagitan ng tiyaga, nagawa niyang mapagtapos ang kanyang dalawang anak sa kolehiyo—isang midwife at isang computer science na pruweba ng kanyang pagsusumikap.
Pag-ani ng Tagumpay sa Makabagong Teknolohiya
Sa loob ng limang dekada sa pagsasaka, hindi tumigil si G. Sam sa paghahanap ng paraan upang mapabuti ang ani at kita. Sa tulong ng mga makabagong teknolohiya gaya ng PalayCheck System, Rice Crop Manager, at Alternate Wetting and Drying Technology, naitawid niya ang pagtaas ng ani ng palay mula sa dating produksyon na 75-80 cavans. Sa kasalukuyan, umaabot ang kanyang ani sa 160–170 cavans kada cropping season gamit ang hybrid seeds—mayroong 53% na pagtaas mula sa tradisyonal na ani.
Bukod dito, ginagamit niya ang mga modernong makinarya tulad ng 4-wheel tractor, walk-behind transplanter, at harvester upang mabawasan ang gastusin at mapabilis ang proseso ng pagtatanim. Ang bawat inobasyong ito ay kanyang natutunan mula sa mga pagsasanay na isinagawa ng Department of Agriculture-Regional Field Office I, Agricultural Training Institute-Regional Training Center I(ATI-RTC I), ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Huwaran sa Komunidad
Hindi lamang sa kanyang sakahan tanyag si G. Mercado; siya rin ay kilala bilang lider ng komunidad. Bilang kagawad ng kanilang barangay na apat termino, siya ang tumutok sa Committee on Agriculture, na naglalayong paunlarin ang sektor ng agrikultura sa kanilang lugar.
Bukod dito, siya ay naninilbihan bilang treasurer ng Masigasig Alitaya Farmers Irrigators Association, na may 320 miyembro at sumasakop sa 280 ektaryang sakahan. Sa tagal ng kanyang paninilbihan, hindi nabahiran ng alinlangan ang tiwalang ibinibigay sa kanya ng mga kapwa magsasaka. Ang kanilang opisina, na itinataguyod niya, ay naging simbolo ng pagkakaisa at tagumpay para sa kanilang samahan.
Ayon kay Merle C. Sali, municipal agriculturist ng Mangaldan, "Si G. Mercado ay isang katuwang sa pagpapalaganap ng kaalaman at teknolohiya. Ang kanyang serbisyo’t dedikasyon ay nagpapatunay na hindi lamang siya lider, kundi isang tunay na huwaran ng agrikultura sa kanyang pamayanan."
Pagtuturo ng Kaalaman sa Kapwa
Si G. Mercado ay isa ring magsasaka siyentista at Local Farmer Technician na nagbibigay ng libreng teknikal na gabay sa kanyang kapwa magsasaka. Sa bawat pagsasanay at seminar, aktibo siyang nakikilahok bilang resource person upang maibahagi ang kanyang nalalaman. Kasama ang kapwa magsasaka na si Carlos C. Sera, nagturo sila ng sustainable rice production techniques sa 19 na magsasaka noong 2019 sa pamamagitan ng Farmer Field School.
Isa rin sa kanyang ipinagmamalaki ay ang paggamit ng Integrated Pest Management (IPM) na natutunan niya sa mga pagsasanay. Balak niyang ibahagi pa ito sa mas maraming magsasaka upang makatulong sa pagpapababa ng gastusin at pagtaas ng ani.
Pangarap para sa Industriya ng Bigas
Sa kabila ng kanyang edad, hindi pa rin nawawala ang sigasig ni G. Mercado. Ang kanyang pangarap: isang mas maunlad na industriya ng bigas sa Pilipinas. Hinikayat niya ang bawat Pilipino na tangkilikin ang lokal na bigas upang makatulong sa mga magsasaka.
"Ang bawat butil ng bigas ay bunga ng pawis at sakripisyo ng magsasaka," wika niya. "Sana'y hindi ito masayang. Suportahan natin ang ating sariling produkto at palakasin ang lokal na agrikultura."
Tagumpay na Lampas sa Ani
Para kay G. Mercado, ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa dami ng ani, kundi sa tiwala at respeto na kanyang natatanggap mula sa komunidad. Ang mga tropeong tunay na mahalaga sa kanya ay ang mga taong natulungan niya, ang mga kapwa magsasaka na kanyang naakay tungo sa makabagong pagsasaka, at ang kinabukasang naiambag niya sa pamamagitan ng kanyang kaalaman at serbisyo.
Sa huli, si G. Mercado ay hindi lamang magsasaka—siya ay isang tagapagturo, lider, at inspirasyon ng bawat pilipinong na nagtatanim ng pangarap, sa sakahan man o sa ibang larangan.
Story by: