Mon, 05/11/2026 - 17:50

Bilang pagpapatuloy sa adhikaing paigtingin ang digital agriculture sa bansa, muling nagsagawa ng Training of Trainers (TOT) on Digital Farmers Program noong May 4-8, 2026 sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela na dinaluhan ng 9 na kooperatiba ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. May kabuuang 30 kalahok na binubuo ng mga magsasaka at kabataan ang sumailalim sa limang araw na masinsinang pagsasanay sa iba’t ibang paksa at aktibidad na may kaugnayan sa teknolohiya.

Bahagi ang aktibidad na ito ng mas malawak na inisyatiba upang isama ang digital agriculture sa mga Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) sa pamamagitan ng Clustering Program ng Department of Agriculture.

Para sa TOT ngayong taon, inaasahan na ang mga kooperatibang lumahok ay magsisilbing tulay para mas mapalawak pa ang abot ng programa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga digital literacy sessions tungkol sa digital agriculture sa kani-kanilang mga komunidad base sa kanilang re-entry plan. Nagbigay din ng printer at tablet sa FCAs bilang after training support.

“I hope na nandoon din ang sharing. Ituro natin sa ating kapwa magsasaka so that hindi lang kayo ang nakakaalam sa mga updated technologies, mga digital tools, na itinuro sa inyo kundi dapat mga kasama nyo rin sa FCAs,” paalala ni Dr. Claris Marayag-Alaska, ATI-RTC 02 Center Director, sa mga nagsanay na FCAs.

Sa loob ng limang araw, natutunan ng mga kalahok ang mga pangunahing kaalaman sa smartphone at iba’t ibang financial technologies. Isa sa mga naging tampok at pinaka-inaabangang bahagi ng pagsasanay ay ang agricultural drone technology demonstration at mga agri apps.

“Sa aming cooperative, malaking tulong po ang mga natutunan namin dito. Magagamit po namin ito para mas mapabilis ang communication, mas maayos na record keeping, at mas madaling pag-access ng impormasyon tungkol sa farming practices at weather conditions. Makatutulong din po ang digital platforms para mas mapromote ang products ng coop at mas mapalawak ang reach nito online,” ani Juliana Marie M. Romero, youth participant mula sa Kabisig Savings and Agri-Development Cooperative sa Jones, Isabela.

“At bilang youth, nakaka-inspire pong makita na ang agriculture ay hindi na lang traditional work. Pwede na pala itong maging innovative, modern, at technology-driven. Mas naging motivated po kami na matuto pa at maging bahagi ng pagbabago sa agriculture,” dagdag pa niya.

Isinagawa ang agricultural drone demonstration sa FDN Integrated Farm sa Aurora, Isabela, upang mabigyan ang mga kalahok ng direktang karanasan sa ganitong uri ng teknolohiya. Nagkaroon din ng farm briefing sa mga kalahok si Mr. Francis D. Nitura, President at owner ng naturang farm school at Learning Site for Agriculture.

Sa pamamagitan ng mga ganitong pagsisikap na wakasan ang “digital divide”, inaasahang patuloy ang pagdami ng mga magsasakang bihasa sa teknolohiya at handa sa hamon ng makabagong panahon.

 

 

article-seo
bad