Sumabak sa Training on Digital Farmers Program (DFP) Farm Learn ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ang 30 miyembro ng Nueva Vizcaya Alay Kapwa Multipurpose Cooperative (NVAKMPCO) bilang daan upang maibahagi rin nila sa kanilang mga kapwa magsasaka ang mga kaalaman sa digital agriculture.
Isinagawa ang pagsasanay noong August 26–29, 2025 sa Poblacion South, Solano, Nueva Vizcaya.
Pinagsama sa iisang training ang Farm Larn Phase 1 at Phase 2 upang higit na mapadali at maging episyente ang pagtuturo sa mga lumahok na magsasaka-miyembro ng kooperatiba.
Kilala bilang isang ‘self-made billionaire cooperative’ sa Rehiyon 2 na may higit 24,000 miyembro, layunin ng NVAKMPCO na yakapin ang digital at smart agriculture para sa mas episyenteng operasyon, mataas na ani, at mas mababang gastos sa produksyon.
Kabilang sa mga itinuro sa kanila ay ang paggamit ng smartphone, internet, social media at e-commerce platforms para sa marketing ng kanilang mga produkto, pati na rin ang mga agriculture apps at ICT tools na magagamit sa sakahan.
“Kapag sa mga susunod na henerasyon ay gagamit na ng mga makabagong kagamitan, yan ang gusto ko sa pagdating ng panahon sa pagtatanim sa bukid,” ani Jomelson Queja, isa sa mga magsasakang kalahok.
Dumalo sa pagbubukas at pagtatapos ng programa si Engr. Rachel Ann Pagbilao, Senior Agriculturist, bilang kinatawan ni Municipal Agriculturist Ms. Emeralda S. Alejandro.
Samantala, nakatakda ring maranasan ng mga kalahok ang Farm Connect component ng DFP sa darating na November, kung saan idaraos ang demonstration ng agricultural drone technology at fertilizer application sa kanilang taniman.