Mas pinalawak ang kaalaman ng mga magsasaka mula sa Sto. Domingo Agriculture Cooperative (SDAC) matapos silang sumailalim sa Training on Digital Farmers Program (DFP) for Farm Cluster na isinagawa ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) noong September 6–12, 2025 sa Brgy. Sto. Domingo, Bambang, Nueva Vizcaya.
Lumahok ang 25 magsasaka at kabataan sa apat na araw na pagsasanay na nakatuon sa paggamit ng digital agriculture applications, ICT tools, at social media marketing. Layunin nitong bigyan ng kakayahan ang mga magsasaka na mas epektibong ma-ipromote ang kanilang produkto at mapabuti ang kanilang produksyon gamit ang teknolohiya.
“Dito ko na-realize na dati pinapangarap lang namin ng tito kong yumao na farmer din na sana yung [bagong] technology ay maka-help talaga sa mga farmers. Ngayon, may mga apps na po pala tayo na mas makakatulong sa farming natin. Bilang kabataan, nais ko rin itong ibahagi sa kapwa ko kabataan para matulungan din namin yung mga farmers natin dito sa Sto. Domingo Proper,” ani Camille Aubrey Fabian, isa sa mga kabataang kalahok.
Isang estratehiya ng programa ang pagtutulungan ng mga magsasaka at kabataan. Tinuruan ng mga kabataang “digital natives” ang mga magsasakaka kung paano mas mahusay gamitin ang mga app at online platforms. Sa ganitong paraan, natututo ang mga magsasaka habang naihihikayat naman ang kabataan na yakapin ang agrikultura.
Bilang bahagi ng kanilang output sa pagsasanay, gumawa ng re-entry plan ang mga kalahok kung paano nila maibabahagi sa kapwa magsasaka ang kanilang natutunan. Kasabay nito, pormal na iginawad sa kooperatiba ang Package of Technology na gagamitin sa pagpapatupad ng kanilang mga plano.
Katuwang din sa pagsasanay na ito ang Municipal Agriculture Office ng Bambang sa pangunguna ni Municipal Agriculturist Mr. Delmar Vila.
Sa tulong ng bagong kaalaman at suportang teknikal, inaasahang mas maraming magsasaka sa komunidad ang magiging handang makipagsabayan sa makabagong pagsasaka.
Sa pamamagitan ng Digital Farmers Program, ang mga magsasaka at kabataan ay nagiging handa at konektado sa makabagong mukha ng agrikultura.