Pinatunayan ng Saint Jerome Parish Multipurpose Cooperative (SJPMPC) na hindi hadlang ang edad at kakulangan sa digital skills upang yakapin ang makabagong teknolohiya, matapos makilahok ang kanilang mga miyembrong magsasaka at kabataan sa Digital Farmers Program (DFP) training noong September 16–19, 2025 sa Bagabag, Nueva Vizcaya. Isa sa mga kalahok, si Engr. Oscar S. Basat, ay nagsabing ang pagsasanay ay nagpatunay na “it is not yet too late” para maging mas episyente at produktibo sa pagsasaka gamit ang smartphone at iba pang digital tools.
“I have acquired more knowledge with the use of modern technology (smartphone). I can now apply these skills towards modern farming and other purposes related to the training acquired. This training made me realize that it is not yet too late (although I am already a senior citizen), for me to perform more efficiently or productively towards my chosen livelihood or business,” ani Basat.
Lumahok sa apat na araw na pagsasanay ang 25 magsasakang miyembro ng SJPMPC kasama ang ilang kabataan upang palakasin ang digital literacy sa sektor ng agrikultura.
Tinalakay sa pagsasanay ang mahahalagang konsepto at mas advanced na paksa tungkol sa digital agriculture applications at tools, pati na rin ang social media marketing sa ilalim ng tatlong module ng DFP. Nagsagawa rin ng iba’t ibang group activities upang sanayin ang mga kalahok sa paggamit ng social media at e-commerce platforms para sa pagbebenta ng kanilang produkto.
Itinatampok din ng programa ang pakikipagpartner sa kabataan, na tinaguriang mga digital natives. Naging katuwang sila sa pagtuturo sa mga magsasaka ng paggamit ng smartphone at iba pang ICT tools, habang hinihikayat ding yakapin ng kabataan ang sektor ng agrikultura at pagsasaka.
Bilang bahagi ng kanilang output, bumuo ng re-entry plan ang mga kalhok upang magsagawa ng digital literacy sessions para sa kanilang kapwa magsasaka. Kaakibat nito, makatatanggap sila ng Package of Technology (POT) sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement.
Sa pamamagitan ng DFP, suporta ng SJPMPC, at ng Local Government Unit ng Bagabag, inaasahang mas mapapalakas ang partisipasyon ng mga magsasaka at kabataan sa paggamit ng teknolohiya tungo sa mas episyente at makabagong pagsasaka.