Nagsagawa ng Consultation Meeting ang Agricultural Training Institute - Regional Training Center 02 sa mga agri-fishery extension partners noong Mayo 26, 2026 sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela. Layunin ng aktibidad na higit pang mapalakas ang kolaborasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang katuwang ng ahensya upang makakuha ng impormasyon na magiging batayan sa mas epektibong pagpapaplano, pagbuo ng programa, at paghahanda ng panukalang badyet para sa FY 2028.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa National Government Agencies (NGAs), State Universities and Colleges (SUCs), Local Government Units (LGUs), Government-Owned and Controlled Corporations, at Rural-Based Organizations (RBOs). Naging mahalagang plataporma ang pagpupulong upang maisulong ang multi-sectoral collaboration sa pagpapaplano at pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa rehiyon.
Sa nasabing pagpupulong, ibinahagi ng bawat ahensya ang kani-kanilang mga programa at inisyatiba, at mga hamon sa pagpapatupad ng mga ito. Tinalakay din ang posibilidad para sa mas pinalakas na convergence at complementation ng mga programa upang maiwasan ang duplication ng mga aktibidad at mapahusay ang paggamit ng limitadong resources ng pamahalaan. Bukod dito, nagkaroon din ng palitan ng datos at impormasyon na makatutulong sa pagtukoy ng mga prayoridad na interbensyon at mas angkop na resource allocation para sa mga susunod na taon.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at matibay na partnership, inaasahang mas magiging epektibo at makabuluhan ang mga susunod na programa at inisyatiba para sa patuloy na pag-unlad ng agrikultura sa Lambak ng Cagayan.
By: Lyka B. Valdez