Muling pinagtibay ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), sa pangunguna ni Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska, ang suporta nito sa Marasat-Dagupan Rice Business Innovations System Agriculture Cooperative (MARDAG RICEBIS) sa isinagawang 5th General Assembly nitong Mayo 20, 2026 na ginanap sa DA-PhilRice, Malasin, San Mateo, Isabela.
Layunin ng aktibidad na pag-usapan ang mga inisyatiba para lalo pang mapalakas ang kooperatiba at mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa komunidad.
Ipinaabot ni Ms. Saranay Gaboy, Chairperson ng MARDAG RICEBIS Agriculture Cooperative, ang taos-pusong pasasalamat sa ATI-RTC 02 sa mga pagsasanay at programang gaya ng Good Agricultural Practices, Rice Machinery Operation, Digital Farmers Program, at Mango Production. “Mas lumawak ang aming kaalaman sa makabagong teknolohiya at tamang pamamaraan sa pagsasaka na malaking tulong sa aming kabuhayan” aniya. Sa tulong ng mga capability-building initiatives ng ATI-RTC 02, matagumpay ding nakamit ng kooperatiba ang kanilang GAP Certification sa produksyon ng palay.
Sa kanyang inspirational message, binigyang-diin ni Dr. Claris Marayag-Alaska ang kahalagahan ng kooperasyon, aktibong pakikilahok, at patuloy na pagkatuto ng bawat miyembro, kasabay ng muling pagtiyak ng ATI sa patuloy na paghahatid ng angkop na mga programa at serbisyong pang-agrikultura.
Ipinunto rin niya ang direktiba ng Department of Agriculture na palakasin ang produksyon ng munggo hindi lamang sa rehiyon kundi sa buong bansa. “Sa pagkilala sa San Mateo, Isabela bilang “Munggo Capital of the Philippines, hinikayat niya ang mga miyembro na dapat ang bayan ng San Mateo ay isa sa mga pagmumulan ng mga buto na itatanim ng ibang mga magsasaka.
Hinikayat rin niya ang kooperatiba na tukuyin at isumite ang kanilang mga kinakailangang pagsasanay sa ATI upang maisaalang-alang sa mga plano para sa 2027 at 2028, at masiguro na tugma ang mga programa sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Tinukoy din ni Dr. Alaska ang nakasaad sa panunumpa sa kooperatiba, “kapag nag-iisa ka, mahina ka, ngunit matatag kung may kasama, na kung saan binigyang-tuon niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan tungo sa mas matatag na sektor ng agrikultura.
Samantala, nagpahayag din ng suporta sina Ms. Camille Feliciano ng NIA-MARIIS Division 2 at Mr. Gerald Pascual, OIC-Municipal Agriculturist ng San Mateo, Isabela, sa naturang pagtitipon.
By: Lyka Valdez, PMEU