Wed, 07/08/2026 - 08:08

IMG_9676.JPG

Mas lalo pang pinalakas ang paghahatid ng mga makabagong impormasyon at teknolohiyang pang-agrikultura sa Lungsod ng Ilagan matapos ang matagumpay na paglulunsad ng Farmers Information and Technology Services (FITS) Center kasabay ng Awarding of Logistic Support noong Hulyo 7, 2026 sa Corn and Dairy Innovation Center sa Barangay Marana I.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Ilagan sa pakikipagtulungan ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) at ng mga katuwang na ahensya sa sektor ng agrikultura.

Dumalo sa programa ang mga kinatawan mula sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na opisyal, akademya, agricultural extension workers, at mahigit 200 na magsasaka na inaasahang pangunahing makikinabang sa mga serbisyo ng bagong bukas na FITS Center.

IMG_9633.JPG

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni City Mayor Josemarie L. Diaz, DMD, MBA na napapanahon ang paglulunsad ng FITS Center sa Lungsod ng Ilagan, na kinikilala bilang agro-industrial center of the North. Aniya, bilang isa sa mga nangungunang sentro ng produksyon ng mais at tahanan ng lumalagong poultry, swine, feed milling, at dairy industries, mahalagang mapalakas ang access ng mga magsasaka sa makabago at siyentipikong kaalaman upang mapanatili ang mataas na produktibidad, matiyak ang seguridad sa pagkain, at maisulong ang isang matatag at napapanatiling ekonomiyang nakabatay sa agrikultura.

IMG_9694.JPG

Nagpasalamat din ang alkalde sa ATI-RTC 02, sa pangunguna ni Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska, sa patuloy nitong suporta sa lungsod. Aniya, ang mga ipinagkaloob na kagamitan ay magpapalakas sa kakayahan ng FITS Center na maghatid ng napapanahon at dekalidad na impormasyon, teknolohiya, at iba pang serbisyong pang-agrikultura sa mga magsasaka at iba pang stakeholder.

Isa sa mga tampok ng programa ang pormal na turnover ng iba't ibang logistic support para sa FITS Center, kabilang ang printer, flat screen television, portable speaker, Information, Education and Communication (IEC) materials, IEC racks at iba pang kagamitan na magpapahusay sa operasyon ng sentro bilang pangunahing access point ng mga komunidad sa mga teknolohiya at impormasyong pang-agrikultura.

IMG_9662.JPG

Ipinaliwanag naman ni Mr. Vladimir B. Caliguiran, chief ng Information Services Section ng ATI-RTC 02, ang layunin at kahalagahan ng Techno Gabay Program (TGP). Aniya, nagsisilbing mahalagang mekanismo ang programa sa pagpapalaganap ng mga siyentipiko at makabagong teknolohiyang pang-agrikultura sa pamamagitan ng mga FITS Center. Binigyang-diin din niya na hindi lamang mga magsasaka ang maaaring makinabang dito kundi maging ang mga mangingisda, kabataan, estudyante, at iba pang nais matuto at magkaroon ng oportunidad sa sektor ng agrikultura.

IMG_9734.JPG

Nagbigay rin ng mensahe ng suporta sina Isabela State University–Ilagan Campus Cluster Executive Director Engr. Alfonso R. Simon at Mr. James Kennard Jacob l, deputy director ng Cagayan Valley Agriculture, Aquatic and Resources Research and Development (CVAARRD). Kapwa nila lng binigyang-diin ang kahalagahan ng matibay na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan, akademya, research institutions, at lokal na pamahalaan upang higit na mapalawak ang akses ng mga komunidad sa mga makabagong teknolohiya at inobasyong pang-agrikultura.

Sa kanyang response message, sinabi ni Dr. Claris Marayag-Alaska na ang isang aktibo at mahusay na FITS Center ay nagsisilbing mahalagang tulay upang maihatid sa mga magsasaka ang mga teknolohiyang bunga ng pananaliksik. Aniya, sa pamamagitan ng mas pinalakas na information at extension services, mas mapapabilis ang pag-abot ng mga makabagong kaalaman at teknolohiya sa mga komunidad.

IMG_9764.JPG

Ibinahagi rin niya ang ilan sa mga programang isinusulong ng ATI-RTC 02 para sa kabataan, kabilang ang internship program at iba pang youth development initiatives na naglalayong hikayatin ang mas maraming kabataan na makita ang agrikultura bilang isang makabago, kapaki-pakinabang, at promising na larangan para sa kanilang kinabukasan.

Ang pagpapalakas ng Techno Gabay Program ay alinsunod sa Executive Order No. 801, s. 2009, na naghihikayat sa mga local government units na isama ang programa sa kanilang agricultural extension initiatives.

Ang FITS Center ay magsisilbing tulay sa pagitan ng mga magsasaka at ng mga makabagong teknolohiya, best science-based farming practices, at iba pang impormasyon na makatutulong sa pagpapataas ng produksyon at kita ng mga magsasaka. Sa pamamagitan ng Techno Gabay Program, magkakaroon ang mga magsasaka ng mas madaling access sa iba't ibang agricultural applications, internet services, ATI e-Extension online learning platform, at iba pang digital platforms na maghahatid ng napapanahong impormasyon at teknolohiya.

Magiging daan din ang FITS Center sa pagtukoy at paghubog ng mga Magsasakang Siyentista, na magsisilbing huwaran at tagapagbahagi ng mga napatunayang teknolohiyang pang-agrikultura sa kani-kanilang mga komunidad.

 

By: Regie M. Culang and Jolina Sanchez

article-seo
bad