Matagumpay na natapos ng 28 agricultural extension workers (AEWs) ang kanilang tatlong huling bahaging Expanded Basic Agricultural Extension Course (EBAEC). Sa kabuuan, nagsanay ang mga AEWs sa loob ng 22 araw mula buwan ng November hanggang February sa Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), Malasin, San Mateo, Isabela.
Isinagawa ang Phase 3 ng EBAEC noong January 12–16, 2026, kung saan ang mga kalahok ay ipinadala sa iba’t ibang bayan sa probinsiya ng Isabela, Quirino, Cagayan, at Nueva Vizcaya para magsagawa ng Community Needs Assessment (CNA). Sa pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs), Municipal Agriculture Offices (MAOs), at Learning Sites for Agriculture (LSAs), tinukoy ng mga kalahok ang mga pangunahing isyu at pangangailangan ng mga magsasaka bilang batayan ng mga programang ipatutupad sa kani-kanilang lugar.
Gumamit ang mga ito ng iba’t-ibang pamamaraan sa pagsusuri, kabilang ang problem tree analysis, SWOT analysis, focus group discussion, at panayam, na sinamahan ng pagkuha ng barangay profile, pagsasagawa ng transect walk, at pagbisita sa mga magsasaka. Layunin ng CNA na matiyak na ang mga interbensyon ay nakabatay sa datos.
Bilang bahagi ng proseso, sinuri rin ng mga kalahok ang kanilang karanasan gamit ang ORID (Objective Reflective Interpretive and Decisional) Method upang matukoy ang mga obserbasyon, repleksyon, at mga posibleng hakbang para sa pagpapabuti ng mga susunod na aktibidad. Ang mga datos na nakalap ay pinag-aralan at inayos para sa pagbuo ng concept note at Area Specific Action Plan (ASAP).
Samantala, isinagawa naman ang Phase 4 noong January 26–30, 2026, na nakatuon sa pagsasapinal ng mga concept note at ASAP. Inilahad ng mga kalahok ang kanilang mga output sa mga panelist para sa teknikal na pagsusuri na nagbigay ng mahahalagang rekomendasyon upang higit pang mapahusay ang problem analysis, layunin, at estratehiya ng bawat planong inilahad. Natalakay din sa yugtong ito ang data management at data privacy, bilang mahalagang aspeto sa responsableng pangangalap at paggamit ng impormasyon mula sa komunidad. Ang mga komento ay isasanama naman sa pinal na bersyon ng mga dokumentong ipapasa ng mga participant.
Dagdag pa rito, natapos naman ang Phase 5 noong February 2–3, 2026, kung saan ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga karanasan at mahahalagang natutunan mula sa pagsasanay. Binanggit ng mga kinatawan ng bawat grupo ang kahalagahan ng Community Needs Assessment sa pagbuo ng mga programang mas angkop sa tunay na kalagayan ng mga magsasaka. Nagbigay rin ng kanilang mga impression at learning insights sina Ms. Lyka B. Valdez, Ms. Jackielin O. Miguel, Mr. Joseph B. Balabbo, at Mr. Rey-Mart D. Talay, na ayon sa mga ito, nakatulong ang EBAEC para maparami at mataas ang kanilang kaalaman sa mga bagay-bagay may kaugnayan sa extension. Ipinahayag din nila kung paano pinalakas ng EBAEC ang kanilang kakayahan sa komunikasyon, pagsusuri, at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Matatandaan na sinimulan ang EBAEC ng ATI-RTC 02 bilang bahagi ng Deployment and Advancement of Responsive Extension on Agriculture for Community Holistic Development (DA-REACH) noong November 24-28, 2025. Samantala ang Phase 2 ay naganap noong December 8-12, 2025.
Inaasahang idaraos ang pagtatapos ng mga kalahok sa Pebrero 20, 2026 sa ATI-RTC 02, bilang pormal na pagkilala sa kanilang matagumpay na pagkumpleto ng EBAEC at sa kanilang paghahanda bilang mas mahusay na tagapaghatid ng serbisyong pang-agrikultura sa kani-kanilang mga lugar.