Mon, 04/27/2026 - 13:10

Sa gitna ng patuloy na hamon sa produksyon ng palay at tumataas na pangangailangan para sa ligtas at sustenableng pagsasaka, sumailalim sa masusing pagsasanay ang 30 farmer-leader mula sa NIA-MARIIS at NIA Region 02 hinggil sa wastong paggamit, paghawak, at pamamahala ng abono at pestisidyo sa isinagawang Training on Fertilizer and Pesticide Handling and Management for Farmer Leaders (Batch 9) sa ATI-RTC 02, Brgy. Malasin, San Mateo, Isabela, noong April 8–10, 2026

Pinangunahan ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA Region 02), NIA-MARIIS, at NIA Region 02, layunin ng aktibidad na palakasin ang teknikal na kaalaman at praktikal na kakayahan ng mga magsasaka upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan, maprotektahan ang kapaligiran, at matiyak ang seguridad sa pagkain.

x3.jpg

Ayon sa FPA, mahalaga ang responsableng paggamit ng pestisidyo upang mapanatili ang kaligtasan sa pagkain, maprotektahan ang kalusugan ng tao, at maiwasan ang pinsala sa kapaligiran. Kabilang dito ang tamang pagbabasa ng label, pagsunod sa wastong dosage, paggamit ng angkop na personal protective equipment (PPE), at maayos na paghawak at pagtatapon ng kemikal.

Sa loob ng tatlong araw, tinalakay sa pagsasanay ang mandato at regulasyon ng FPA, pagpaparehistro ng fertilizers at pesticides, biorational pesticides, ligtas na paghawak at aplikasyon ng kemikal, mode of action ng fertilizers at pesticides, pesticide resistance management, safety and emergency procedures, at Good Agricultural Practices (GAP) sa rice production.

x1.jpg

Isa sa pinakatampok na bahagi ng aktibidad ang actual demonstration ng tamang pagsusuot at pagtanggal ng PPE at ang wastong paraan ng pesticide application. Ipinakita rito kung gaano kadaling malantad ang mga magsasaka sa kontaminasyon kapag hindi nasusunod ang tamang proteksyon habang nagsispray ng kemikal.

Para kay Juliana V. Orque ng Birung Agriculture Cooperative sa Enrile, Cagayan, malaking tulong ang pagsasanay sa pagbubukas ng kanilang kaalaman bilang mga magsasaka. “Adu unay iti naadal mi maipanggep iti daytoy nga training—haan gayam nga spray-spray laeng, ta adda met laeng science behind na,” ani Orque, na nagpahayag din ng pasasalamat sa mga lecturer at staff na naging magaan at makabuluhan ang buong aktibidad.

x2.jpg

Samantala, ibinahagi naman ni Alfredo D. Sabado ng D2B Cluster Irrigators Association sa Alicia, Isabela na kahit matagal na siyang magsasaka, marami pa rin siyang bagong natutunan. “Sakbay nga gumatang nak iti lason idi, agkikitaak iti expiration na, isu met laeng piman nga awan sirbi nan. Daytoy nga training ket napapatig unay ta adu dagiti naisursuro yo,” aniya.

Para naman kay Carlito L. Wandien ng Bayog Imelda SIPA Irrigators Association sa Sta. Marcela, Apayao, mahalagang aral ang tamang pagsunod sa label ng produkto at ang prinsipyo na “lahat ng sobra ay masama.”

xxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxxx.jpg

Aniya, ang bawat problemang binanggit ng mga resource speaker ay may kaakibat na solusyon, bagay na nagbibigay ng mas malinaw na direksyon sa kanilang pagsasaka.

Hindi lamang teknikal na kaalaman ang naibigay ng pagsasanay kundi pati pananaw sa responsableng pagsasaka. Ang Good Agricultural Practices o GAP ay binigyang-diin bilang mahalagang susi sa ligtas, produktibo, at sustenableng produksyon ng palay—isang bagay na direktang nakaaapekto sa seguridad sa pagkain ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa produksyon at banta ng maling paggamit ng kemikal sa agrikultura, ang ganitong mga pagsasanay ay nagsisilbing matibay na sandigan para sa mga farmer leaders na inaasahang magbabahagi rin ng kanilang natutuhan sa kanilang mga komunidad.

x4.jpg

article-seo
bad