Upang lalo pang mapalago ang kaalaman at kakayahan sa produkyson ng gulay ang mga benepisaryo ng Gulayan sa Bayan (GSB) mula sa iba’t ibang bayan ng Isabela, isinagawa ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ang tatlong araw na pagsasanay sa Malasin, San Mateo, Isabela, noong Oktubre 15–17, 2025.
Ang pagsasanay ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture–Regional Field Office 02 (DA-RFO 02) at ng mga Local Government Units (LGUs) ng Isabela. Layunin nitong paigtingin ang kaalaman, kasanayan, at tamang saloobin ng mga kalahok tungo sa mas produktibo at likas-kayang gulayan sa kani-kanilang komunidad.
Sa unang araw, tinalakay ni Ms. Bethzaida B. Duruin ang kalagayan ng industriya ng paggugulay sa region 2, kung saan binigyang-diin niya ang mga kasalukuyang kalakaran, hamon, at oportunidad sa industriya ng gulay. Ayon sa kanya, ang paglinang ng gulayan ay mahalaga hindi lamang para sa kita kundi para rin sa pagpapabuti ng nutrisyon sa mga pamayanan.
Kasunod nito, si Ms. Noemi O. Valdez ang nagsilbing tagapagsalita sa paksa na vegetable seedling production and management. Ipinaliwanag niya ang wastong pagpili ng de-kalidad na binhi, paghahanda ng punlaan, tamang pagpapatubig, at paglipat-tanim. Binigyang-diin din ni Valdez na ang paggamit ng malulusog na punla ay susi sa mataas na ani at pagbawas ng production losses. Pinangunahan din niya ang hands-on activity kung saan sinanay ang mga kalahok sa paggawa ng soil growing media, pagpunla ng binhi, at pag- pricking.
Tinalakay naman ni Ms. Mary Jane B. Ibarra ang protocols in vegetable seed production. Inisa-isa niya ang mga hakbang sa produksyon ng de-kalidad na binhi gaya ng tamang pagpili ng variety, isolation distance, pollination control, rouging, harvesting, at post-harvest handling. Binigyang-diin ni Ibarra na mahalagang mapanatili ang seed purity at viability upang maging tuloy-tuloy at produktibo ang pagtatanim ng gulay.
Sinundan ito ni Mr. Wilbert C. Crisologo na nagbahagi ng kaalaman sa integrated pest management (IPM) for vegetables. Ipinaliwanag niya ang mga ligtas at makakalikasang paraan ng pamamahala ng peste gamit ang biological, mechanical, at cultural methods upang mabawasan ang pagdepende sa kemikal na pestisidyo.
Sa huling araw ng pagsasanay, itinuro sa pamamagitan ng demonstrasyon ang vegetable grafting techniques. Dito ay naranasan ng mga kalahok ang aktuwal na proseso ng pangangalaga ng halaman upang mapataas ang resistensya laban sa sakit at mapabuti ang ani.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagbigay ng kanilang mga pahayag ng pasasalamat at karanasan ang ilan sa mga kalahok. Ayon kay Ms. Liwliwa M. Ramos, GSB beneficiary mula sa Benito Soliven, “Napunno ti utek tayo haan lang nga ti tiyan. Thank you sa opportunity na binigay niyo sa amin, this knowledge ay hindi mababayaran ng pera. Patuloy na magagamit namin ang mga ito… Ito kasi yung way ng pagpapakita natin ng appreciation natin, if we are applying that knowledge that we have gained.”
Ibinahagi naman ni Mr. Gilbert N. Mamaril ng Echague, Isabela ang kanyang pasasalamat sa pagkakataong matuto sa loob ng tatlong araw. Aniya, “Nais ko po sana na kung ano po ang natutunan natin ay ishare natin sa ating mga kasama, sa association, sa ating community para naman po maging kapaki-pakinabang ang ating training.”
Samantala, ipinaabot din ni Ms. Merlie G. Pascual mula sa San Guillermo, Isabela ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa ATI-RTC 02. “Thank you so much ATI, sana maulit pa at marami pang training na maibigay sa amin,” ani Pascual.
Sa kabuuan, matagumpay na naisakatuparan ang pagsasanay na nagbigay ng teknikal at praktikal na kasanayan sa mga kalahok upang mapaunlad ang kanilang mga Gulayan sa Bayan. Bukod sa pagpapalaganap ng kaalaman, ang inisyatibong ito ay nagpatibay rin ng kooperasyon, likas-kayang pagsasaka, at seguridad sa pagkain sa mga komunidad ng Isabela.