Tatlumput -isang myembro ng Casabay Farmers Association mula sa bayan ng Delfin Albano, Isabela ang matagumpay na nagtapos sa Farmers Field School (FFS) on PalayCheck System noong October 7, 2025, sa Barangay Bayabo ng naturang bayan.
Ang programa ay bahagi ng patuloy na pagsuporta ng pamahalaan sa pagpapalakas ng kaalaman at kasanayan ng mga lokal na magsasaka.
Mainit ang pagtanggap ni Barangay Captain Enriquez Cadiente sa mga dumalo s aprograma na sinundan ng isang inspirational message mula kay Sanguniang Bayan Member Clemente S. Dumlao, Jr., chairman ng Committee on Agriculture sa nasabing bayan. Ibinahagi ni Dumlao ang kahalagahan ng edukasyon sa pagsasaka bilang susi sa mas mataas na ani at mas magandang kabuhayan.
Nagbigay mensahe si Mr. Jhimcelle V. Salvador, chief, Career Development and Management Section (CDMS) ng ATI-RTC 02. Aniya, ang pagtatapos ay patunay ng kanilang sipag, tiyaga, at dedikasyon sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.
Bilang pangunahing panauhing pandangal, dumalo si Delfin Albano Mayor Thomas A. Pua, Jr., na nagbigay ng kanyang mensahe para sa mga bagong magsasakang nagtapos sa kanilang pagsasanay. Pinuri niya ang determinasyon ng mga ito na pagyakap sa makabagong pamamaraan ng pagsasaka sa pamamagitan ng PalayCheck System.
Sa pagtatapos ng programa, ipinahayag ng mga opisyal ang kanilang patuloy na suporta sa mga magsasaka at tiniyak na magpapatuloy ang mga inisyatiba para sa mas produktibong sektor ng agrikultura sa bayan ng Delfin Albano.