Fri, 09/05/2025 - 07:41

Matagumpay na isinagawa ang limang araw na pagsasanay hinggil sa vegetable seed production at accreditation sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela, noong Agosto 25-29, 2025.

IMG_7024.JPG

Umabot sa 33 Agricultural Extension Workers (AEWs) ng Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DARFO 02), at mga farmer-leader mula sa iba’t-ibang bayan ng Rehiyon 2 ang lumahok sa pagsasanay.

IMG_6980.JPG

Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni ATI RTC 02, OIC-Assistant Center Director Jhimcelle V. Salvador ang kahalagahan ng pagsasanay, lalo na para sa mga kasapi ng SeedNet. Aniya, ang layunin ay makapagprodyus ng sapat na dami ng buto upang matugunan ang pangangailangan ng sektor ng agrikultura sa bansa. Dagdag pa niya, mahalaga ang paghahasa sa mga SeedNet members upang sila rin ang maging tagapagsanay ng mga magsasaka sa hinaharap.

IMG_7095.JPG

Sinabi ni Ms. Analyn K. Abluyan, AEW ng PLGU Quirino na marami itong natutunan sa nasabing training.  “Marami akong natutunan sa training, lalo na sa mga patakaran at alituntunin sa seed production at accreditation, at sa IPM at cultural management nito.”

IMG_7046.JPG

Dagdag pa ni Ms. Hervy G. Perez, isang magsasaka mula Cabatuan, Isabela: “Nabigyan ako ng teknikal na kaalaman sa seed production. Napagtanto ko ang mga kailangang isaalang-alang sa pagtatanim para sa seed production. Mahalaga ang quality checking at tamang storage upang mapanatili ang kalidad ng buto. Mahalaga rin ang monitoring ng mga ahensya ng gobyerno upang mapanatili ang kalidad ng produksyon.”

IMG_7082.JPG

Ang training ay dinaluhan din ng mga eksperto mula sa DA-Regional Field Office 02, Cagayan Valley Research Center, Regional Crop Protection Center, ATI-RTC 02 at Bureau of Plant Industry - National Seed Quality Control Services 02. Ilan sa mga paksang tinalakay ay ang kalagayan ng industriya ng gulay sa rehiyon, transformational leadership, pagpapakilala sa vegetable seed production at processing, Integrated Pest Management (IPM), mga patakaran sa accreditation, seed testing methods, at seed standards.

IMG_6986.JPG

Isa sa mga tampok na bahagi ng pagsasanay ang aktwal na demonstrasyon ng moisture content determination, physical purity test, at germination test. Nasaksihan mismo ng mga kalahok ang tamang proseso sa pagsasagawa ng mga pagsusuri sa kalidad ng buto. Bumisita rin ang grupo sa DA-Cagayan Valley Research Center sa Lungsod ng Ilagan, Isabela kung saan nakita nila ang iba’t ibang variety ng gulay gaya ng pole sitaw, talong, at okra. Nagkaroon din sila ng karanasan sa seed sorting at pagbisita sa cold storage facility. Matapos nito, nagtungo rin sila sa DA-RCPC upang obserbahan ang produksyon ng mga Biological Control Agents.

IMG_6837.JPG

Sa pagsasara ng programa, muling hinikayat ni Mr. Salvador ang mga kalahok na simulan ang pagbabago sa kanilang sarili at isabuhay ang mga natutunan sa pamamagitan ng aktwal na aplikasyon sa kanilang mga komunidad. Aniya, “Mahalaga ang pangarap at pag-asa, ngunit kung walang paninindigan at pananagutan, walang makakamit.” Ipinunto rin niya na ang lahat ng ito ay bahagi ng pagsuporta sa layunin ng Masaganang Bagong Pilipinas.

Layunin ng pagsasanay na paigtingin ang kaalaman, kasanayan at tamang pag-uugali (KSA) ng mga kalahok kaugnay sa produksyon ng buto ng gulay at sa mga kinakailangang proseso upang makamit ang accreditation.

IMG_6833.JPG

Samantala, nagpahayag rin ng suporta si DA-RFO 02 HVCDP Alternate Focal Person Bethzaida B. Duruin para sa mga magsasaka, lalo na sa aspeto ng kanilang mga produkto.

IMG_6987.JPG

 

article-seo
bad