Umabot sa 540 magsasaka ng niyog mula sa unang distrito ng Cagayan ang nagtapos sa School-on-the-Air (SOA) on Coconut Production, Masaganang Cocobuhayan: Radyo Eskwela sa Pagniniyugan sa ginanap na Mass Graduation Ceremony sa Lal-lo Multi-Purpose Center, Lal-lo, Cagayan, noong Oktubre 10, 2025. Ang mga nagsipagtapos ay mula sa bayan ng Aparri, Baggao, Buguey, Camalaniugan, Gattaran, Gonzaga, Lal-lo, Sta. Ana, at Sta. Teresita, sa Probinsiya ng Cagayan.
Layunin ng SOA na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka sa makabagong teknolohiya sa produksyon ng niyog sa pamamagitan ng radio-based at online learning platforms. Sa loob ng 17 episodes, tinalakay sa mga istasyon ng radyo ang iba’t ibang paksa sa pagpapayaman ng industriya ng niyog. Naging katuwang ang DWPE Radyo Pilipinas 729 KHz Tuguegarao City, DWRL 95.1 MHz FM Lal-lo, 106.3 MHz FM Radyo Santa Ana, DWTS 99.5 MHz FM Timek ti Santa Teresita, DZDA 105.3 MHz FM Radyo Pangkaunlaran, at sa mga Facebook pages ng ATI-RTC 02 at DA-RFO 02 mula June 8, hanggang August 28, 2025. Naituro sa mga magsasak ang praktikal at science-based na kaalaman sa coconut production, intercropping, pest and disease management, value adding, agri-entrepreneurship, at marketing.
Mula sa kabuuang 540 kalahok, ang bayan ng Lal-lo na may 75 farmers ang nagtala ng pinakamaraming bilang ng mga nagtapos mula sa siyam na bayan na kabilang sa programa.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Municipal Mayor Hon. Florence Oliver B. Pascual ang kanyang pasasalamat sa mga tagapagtaguyod ng programa at sa pagpili sa Lal-lo bilang host municipality. Ipinunto rin niya ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga inisyatibong nagtataguyod ng kaunlarang pang-agrikultura at kapangyarihan ng mga magsasaka.
Bago ang graduation rites, isinagawa ang isang Techno Clinic kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga magsasaka na magtanong tungkol sa mga programa ng CFIDP at mga paksang natalakay sa mga episode ng SOA. Tumugon sa kanilang mga katanungan ang ilan sa mga bisita at resource speakers.
Samantala, sa ipinadalang video message ni ATI Director Remelyn R. Recoter, MNSA, CESO III, aniya, ang mga SOA graduates ay hindi lamang magsasaka kundi mga farmer-entrepreneurs na handang harapin ang mga hamon ng makabagong panahon. “Ang inyong pagtatapos ay patunay ng inyong katatagan, disiplina, at dedikasyon sa pagkatuto ng mga makabagong pamamaraan ng pagsasaka,” dagdag pa niya.
Bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap, kinilala rin ang Top 5 achievers mula sa bawat munisipalidad, na tumanggap ng iba’t ibang kagamitan sa pagtatanim bilang gantimpala kasama ang lahat ng ibang graduates.
Sa pagtatapos ng programa, kita ang kasiyahan sa mga ngiti ng mga nagtapos at ang mensahe ng pag-asa at determinasyon na sa bawat butil ng niyog ay naroon ang kwento ng mga magsasakang patuloy na nagsusumikap para sa masaganang kinabukasan ng sektor ng agrikultura sa Cagayan.
Ang programang ito ay bahagi ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) na pinangungunahan ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA) at Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA-RFO 02), sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang stakeholders sa Lambak ng Cagayan.
Ang naturang pagtatapos ay isa sa mga serye ng mga gawain sa selebrasyon ng National AgriculturalAand Fisheries Extension Services Month ngayon buwan ng Oktubre.