Isinagawa ang limang-araw na Training on Construction Supervision, Quality Control, and Inspection for Agricultural Infrastructures para sa 33 ABEs mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Lambak ng Cagayan sa ATI Region 2, Malasin, San Mateo, Isabela, noong August 18–22, 2025.
Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng mensahe ni ATI-RTC 02 OIC-Center Director Claris Marayag-Alaska. Sa kaniyang pagbati, hinikayat niya ang mga kalahok na gamitin ang mga matututuhan sa training upang mapabuti pa ang kalidad ng mga imprastrakturang pang-agrikultura sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Maliban sa talakayan, nagkaroon din ng hands-on workshops, at field visit ang mga kalahok. Pinangunahan ang mga sesyon ng mga eksperto mula sa Department of Agriculture–Regional Field Office 02 Regional Agricultural Engineering Division (RAED) at Department of Public Works and Highways (DPWH). Tinalakay sa training ang mga mahahalagang paksa gaya ng Introduction to Construction Supervision of Agricultural Infrastructure, Site Management, Contract Management, at Quality Control and Inspection.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ay ang aktwal na inspeksyon sa kasalukuyang itinatayong Bubug Small Water Impounding Project sa Sto. Tomas, Isabela. Nakita ng mga kalahok ang aktwal na proseso ng konstruksyon, nakausap ang mga nasa proyekto tulad ng project engineer, foreman, at mga manggagawa, at nasuri kung sumusunod ba ito sa aprubadong disenyo at materyales.
Nagbahagi rin ng karanasan ang ilang mga kalahok. Ayon kay Ms. Joy B. Cayap, AEW mula sa Santa Fe, Nueva Vizcaya, “Natutunan ko sa training na mahalagang may maayos na pagpaplano, pagsu-supervise, at quality control sa bawat proyekto. Ang detalyadong engineering design at program of works ay may malaking papel upang masigurong tama ang paggamit ng pondo at natatapos ang proyekto sa tamang oras. Mahalaga ring piliin nang maayos ang lokasyon ng proyekto, at tiyaking maayos ang site at contract management.”
Samantala, ibinahagi naman ni Ms. Nelda D. Magannon, AEW mula sa Maconacon, Isabela ang kahalagahan ng mahigpit na pagsunod sa mga pamantayan, “Pinaigting ng training ang aking kaalaman sa tamang site supervision, material testing, at dokumentasyon—mga bagay na napakahalaga upang makapaghatid ng dekalidad na proyekto. Lalo na sa mga liblib at developing na lugar gaya ng Maconacon, kailangang matibay, ligtas, at episyente ang mga impraestraktura.”
Sa naging mensahe ni Mr. Vladimir B. Caliguiran, Information Officer III at Chief ng Information Services Section, binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng mga Agricultural and Biosystems Engineers sa pagtiyak na ang bawat proyektong pang-agrikultura ay dekalidad at makatutugon sa layunin nito.
Layunin ng pagsasanay na bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga Agricultural and Biosystems Engineers (ABEs) upang epektibong masubaybayan at masuri ang konstruksyon ng mga earth-filled dams, small water impounding projects, at diversion dams sa rehiyon.