Wed, 08/27/2025 - 19:26

Patuloy ang pagtataguyod ng likas kayang pagsasaka sa rehiyon matapos isagawa ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ang ikalawang batch ng Specialized Training on Integrated Nutrient Management (INM),  sa Malasin, San Mateo, Isabela, noong Agosto 11-15, 2025.

IMG_8778.JPG

Dinaluhan ito ng 32 Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya. Layunin ng pagsasanay na higit pang linangin ang kanilang kaalaman at kasanayan para sa epektibong pagpapatupad ng INM, na nakatuon sa pagpapabuti ng kalusugan ng lupa, pagtaas ng ani, at pagbawas ng negatibong epekto sa kapaligiran.

IMG_8782.JPG

Tinalakay sa serye ng mga lektura ang mahahalagang paksa gaya ng Introduction to Integrated Nutrient Management (INM), KeyCheck 5: Sufficient nutrients from tillering to early panicle initiation (EPI) and flowering, at iba’t ibang kasangkapan sa pagtukoy ng kakulangan sa nutrisyon tulad ng Minus One Element Technique (MOET) at aplikasyon nito, Rice Crop Manager Advisory Service (RCMAS), Leaf Color Chart (LCC), Soil Test Kit (STK), at Soil Analysis. Ibinahagi rin ang kaalaman sa tamang paggamit at pagkukuwenta ng pataba, gayundin ang iba’t ibang bahagi ng INM. Ang mga paksang ito ay tinalakay ng mga resource speakers mula sa ATI-RTC 02 at DA Region 02.

IMG_8448.JPG

Bilang bahagi ng programa, bumisita ang mga kalahok sa Ilagan Soil Laboratory upang mas mapalalim ang kanilang pang-unawa sa soil testing at biofertilizer production. Nasaksihan nila ang proseso ng paggawa ng Agri-N Plus at Compost Fungus Activator, gayundin ang paliwanag kung bakit umaabot ng halos isang buwan bago lumabas ang resulta ng pagsusuri sa lupa.

IMG_8766.JPG

Ayon kay Oliver C. Noveno, AEW mula Maconacon, Isabela,“Natutunan ko na ang INM ay nakatuon sa sapat na nutrisyon ng halaman gamit ang kombinasyon ng organiko at inorganikong pataba kasama ng mabubuting gawaing pansaka. Sa ganitong paraan, napapabuti ang kalusugan ng lupa, napapataas ang ani, at nababawasan ang pinsala sa kapaligiran.”

IMG_8428.JPG

Ibinahagi naman ni Marlex L. Lorenzo mula Luna, Isabela, “Mahalaga ang INM sa crop management at cost of production. Dito ko natutunan ang mas episyenteng paraan upang pamahalaan at matukoy ang pangangailangan ng pananim, imbes na basta-basta na lang maglagay ng pataba batay sa rekomendasyon ng mga manufacturer. Malaking tulong din ang paggamit ng ICT tools para sa mabilisang rekomendasyon sa mga magsasaka.”

IMG_8661.JPG

Samantala, binigyang-diin ni Gommer G. Carbonel ng Diadi, Nueva Vizcaya ang kahalagahan ng balance, “Mahalaga ang balanseng nutrisyon. Ang sobrang pag-asa sa kemikal na pataba ay maaaring magbigay ng mabilis na ani ngunit sisira sa lupa sa katagalan. Ang pagsasama ng biofertilizer at organiko ang susi sa pangmatagalang ani. Maliit na pagbabago, malaking epekto — tulad ng split application at pagbabalik ng dayami sa bukid na nakababawas ng gastos at nakapagpapataas ng ani. Magkasama ang kalikasan at ani; sa tamang pamamahala ng sustansya, posible ang mataas na ani habang napoprotektahan ang kalikasan.”

IMG_8752.JPG

Sa pagtatapos ng pagsasanay, mas malinaw para sa mga AEWs na ang Integrated Nutrient Management ay hindi lamang teknolohiya, kundi isang konkretong hakbang tungo sa mas matatag na ani at mas ligtas na kalikasan.

IMG_8676.JPG

article-seo
bad