Tue, 04/28/2026 - 11:10

Matagumpay na nagtapos ang 30 agricultural extension workers (AEWs) mula sa iba’t-ibang lalawigan ng Lambak ng Cagayan sa limang araw na Training Course on Cassava Production, Harvesting and Postharvest Technologies sa ilalim ng National Corn Program na isinagawa sa Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), Malasin, San Mateo, Isabela, noong April 13-17, 2026, upang palakasin ang kanilang kaalaman, kasanayan, at tamang pananaw sa produksyon ng cassava.

Sa patuloy na paghahanap ng mas matatag at likas-kayang kabuhayan para sa mga magsasaka sa Cagayan Valley, muling binigyang-diin ng ATI-RTC 02 ang mahalagang papel ng kamoteng kahoy bilang alternatibong pananim at karagdagang pinagkukunan ng kita ng mga magsasaka sa rehiyon.

IMG_6239 (2).JPG

Ang cassava ay isang root crop na kinikilalang mahalagang katuwang ng mais sa food security at livestock feed industry. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nananatiling mahalagang bahagi ng agrikultura ang cassava sa bansa. Sa ikalawang quarter ng 2023, umabot sa 47.50 thousand metric tons ang produksyon ng cassava sa Cagayan Valley, dahilan upang mapabilang ang rehiyon sa top three cassava-producing regions sa bansa, kasunod ng Northern Mindanao at BARMM. Katumbas ito ng 6.7 porsyento ng kabuuang produksyon ng cassava sa Pilipinas sa nasabing panahon.

Bagama’t kilala ang Region 02 bilang pangunahing sentro ng produksyon ng mais, unti-unti ring lumalawak ang potensyal ng cassava bilang climate-resilient crop na maaaring magsilbing alternatibong pananim sa panahon ng pabago-bagong klima, mataas na gastos sa produksyon, at pagbabago sa merkado ng mais.

Kaya naman sa loob ng limang araw, sumailalim ang mga kalahok sa lecture-discussions, participatory workshops, field practicum, at knowledge-sharing sessions na nakatuon sa tamang produksyon, pag-aani, at postharvest technologies ng cassava.

IMG_6218.JPG

Tampok sa nasabing pagsasanay ang hands-on session ni Engr. Johnson Lameg kung saan ginamit ang actual plant specimens upang mas mapadali ang pag-unawa ng mga kalahok sa varietal identification batay sa morphological at physiological characteristics ng iba’t ibang cassava varieties.

Pinangunahan din ng mga personnel mula sa Department of Agriculture - Cagayan Valley Research Center ang field practicum kung saan ipinakita ang tamang plant spacing, two-node at three-node propagation methods, at ang paggamit ng iba’t ibang harvesting at postharvest machines para sa mas episyenteng produksyon. Bukod pa rito, kasama sa mga natalakay ang usapin ng climate change adaptation at Gender and Development (GAD), upang mas maging malawak ang pananaw ng mga AEW sa makabagong pagsasaka.

Samantala, ayon kay Ms. Crystal Jade J. Barlongo, AEW ng  LGU Baggao, Cagayan, napapanahon ang pagsasanay lalo’t limitado pa ang produksyon ng cassava sa kanilang lugar. “Napakahalaga ng training na ito dahil sa amin, kakaunti pa lamang ang nagtatanim ng cassava. Malaki ang maitutulong nito upang maituro namin sa aming mga farmers at FCAs na maaari itong maging alternatibo o dagdag na pananim bukod sa mais,” ani Barlongo.

IMG_6189.JPG

Ibinahagi rin ni Mr. Andrei T. Espero ng LGU Quezon, Isabela na nabago ng pagsasanay ang kanyang pananaw sa simpleng pagtatanim ng kamoteng kahoy. “Akala namin noon, pagtatanim lang at babalikan na sa anihan. Ngunit napaka-technical pala ng cassava production, mula sa tamang pag-aalaga, wastong paglalagay ng abono, hanggang sa tamang pagpapatubig. Mas malinaw na ngayon sa amin kung paano ito mapapaganda,” aniya.

Para naman kay Mr. Al Brian R. Marquez ng LGU Nagtipunan, Quirino, bagama’t may karanasan na siya bilang cassava farmer, mas lumalim pa ang kanyang pag-unawa sa teknikal na aspeto ng produksyon. “May basic knowledge na ako bilang magsasaka, pero mas nadagdagan pa ito sa training. Mas naging malinaw ang mga tamang proseso at technical procedures na makakatulong para mapaganda ang aming produksyon,” saad niya.

Ang nasabing pagsasanay ay bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng sustainable farming systems sa rehiyon. Sa pamamagitan ng mga AEWs, inaasahang mas mabilis na naipapasa ang tamang teknolohiya sa mga komunidad ng magsasaka at ang pagpapalawak ng cassava industry ay hindi lamang diversification strategy, ito rin ay paghahanda para sa mas matatag, mas ligtas, at mas sustainable na kinabukasan ng pagsasaka sa Lambak ng Cagayan.

IMG_6174.JPG

article-seo
bad