Tatlumpung Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa lalawigan ng Isabela, Cagayan, at Nueva Vizcaya ang lumahok sa Resource Person Development Course na isinagawa noong Hulyo 14–16, 2025 upang sanayin silang maging mas mahusay at kumpiyansang tagapagturo sa kani-kanilang lugar ng espesyalisasyon.
Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga AEWs upang makapagtalakay ng mga paksa nang may kalinawan at kahusayan bilang mga resource person sa iba’t ibang extension programs.
Pinangunahan ni Engr. Beverly S. Orpilla ang talakayan sa Situating Resource Person Development in the Training Cycle, kung saan ipinakita niya ang ATI Curriculum Track at mahahalagang tungkulin ng RP sa training cycle. Si Ms. Noemi O. Valdez naman ay nagbahagi tungkol sa mga gawain at katangian ng isang mahusay na RP/Trainer, habang muling tinalakay ni Engr. Orpilla ang Situational Leadership. Kabilang ang iba’t-ibang estilo ng pamumuno at antas ng maturity ng tagasunod. Samantala, ibinahagi ni Ms. Mayflor R. Macmac ang tungkol sa Responsible Adult Communication at Adult Learning Principles sa agricultural extension.
Bilang bahagi ng aktibidad, pinili ng bawat kalahok ang paksang ayon sa kanilang espesyalisasyon na kanilang itinuro sa microteaching activity. Dito sila sinuri batay sa paraan ng kanilang presentasyon at paggamit ng mga biswal at PowerPoint. Kinilala ang Best in Microteaching gayundin ang pinakamahusay na inihandang biswal at presentasyon sa kanilang pagtatapos.
Ibinahagi rin ng ilang kalahok ang kanilang mga natutunan. Ayon kay Engr. Lailanie M. Eclipse mula Sto. Niño, Cagayan, natutunan niyang maraming aspeto ang dapat isaalang-alang bilang RP—mula sa pamumuno hanggang sa tamang paraan ng pagbabahagi ng kaalaman. Dagdag naman ni Ms. Joan Joy B. Cabaldo ng Divilacan, Isabela, mas nagkaroon siya ng kumpiyansa sa pagharap sa publiko: “Natutunan ko kung paano magsimula at tumayo sa harap na may tapang at tiwala sa sarili. Napaka-relevant ng training na ito para sa amin.” Samantala, nagpasalamat si Mr. Alberto Villanueva ng Ramon, Isabela sa pagkakataong maging bahagi ng pagsasanay: “Ito ay malaking tulong upang balang araw ay makapagbahagi rin kami ng kaalaman sa aming mga magsasaka.”
Sa kabuuan, ang Resource Person Development Course ay hindi lamang nagturo ng teorya kundi nagbigay rin ng praktikal na karanasan upang mas mahasa ang AEWs bilang mga epektibo at mapagkakatiwalaang tagapagbahagi ng kaalaman sa kanilang mga komunidad.