Mon, 06/08/2026 - 15:03

Baon ang pangarap na makapag-ambag sa modernisasyon ng agrikultura sa bansa, pormal nang ipinadala ang anim na kabataang magsasaka mula sa Cagayan Valley bilang bahagi ng Filipino Young Farmers Internship Program in Taiwan (FYFIPT) Batch 7 o “SIBOL” sa isinagawang Send-Off Ceremony noong June 5, 2026, sa Agricutural Training Institute-Central Office, RDEC Function Hall, Diliman, Quezon City.

Kabilang sa 50 kabataang magsasakang napili mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang anim na kinatawan ng Lambak ng Cagayan. Sina Jimwell T. Agustin at Alexandria P. Ramos ng Echague, Isabela; Shaira Mae M. Rodillas ng Abulug, Cagayan; at sina Krismajaya J. Bantulay, Ramel A. Dodon, at Kengy F. Baltazar ng Kayapa, Nueva Vizcaya ay tuluyan ng nakaapak sa bansang Taiwan matapos bumyahe ngayong araw, June 08, 2026 patungo sa nasabing bansa. Ang mga ito ay sasailalim sa halos 11-buwang internship at farm immersion program na nakatuon sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka, agribusiness management, at sustainable agricultural practices.

2036ce37-5a86-4f78-9c9c-587b7a6d423a.jpg

Bago makarating sa bansang Taiwan, dumaan ang anim na interns sa pagsusuri, field validation, at ang 30-araw na farm immersion sa Juan Integrated Farm sa Gamu, Isabela, bilang bahagi ng masusing paghahanda sa kanilang paglahok sa programa.

Sa kanyang mensahe sa send-off ceremony, hinikayat ni Deputy Representative Dustin Yang ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) ang mga interns na maging bukas sa mga bagong kaalaman at karanasan. Aniya, ang kanilang pananatili sa Taiwan ay magbibigay sa kanila ng pagkakataong matutuhan ang mga makabagong teknolohiya, episyenteng sistema ng pamamahala ng sakahan, at mga estratehiyang ginagamit sa isa sa mga nangungunang agricultural economies sa Asya. Ibinahagi rin niya ang ilang mga bagong benepisyong ipatutupad para sa FYFIPT Batch 7, kabilang ang visa free waiver na inaprubahan ng pamahalaan ng Taiwan, dagdag na buwanang allowance, at pinahusay na overtime compensation upang higit na masuportahan ang kapakanan ng mga interns habang nasa ibang bansa.

a11701d2-f29e-4c6c-9128-cf3fbd3bdbcf.jpg

Samantala, ayon kay Agricultural Training Institute Director Engr. Remelyn R. Recoter, ang mga kalahok ay nagsisilbing “ambassadors of goodwill” na inaasahang magdadala pabalik sa Pilipinas ng mga makabagong kaalaman at teknolohiyang kanilang matututuhan sa Taiwan. Samantala, hinikayat naman ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Board Director Atty. Brigitte Costa-Villaluz ang mga interns na sulitin ang natatanging oportunidad na ito at maging tagapaghatid ng mga bagong ideya sa kani-kanilang mga komunidad.

Binigyang-diin naman ni Department of Agriculture Undersecretary Roger V. Navarro na ang FYFIPT ay higit pa sa isang international internship program. Aniya, isa itong pamumuhunan para sa kinabukasan ng agrikultura ng bansa sapagkat ang mga kabataang kalahok ngayon ay maaaring maging susunod na mga lider, innovator, at agripreneur na magpapalakas sa seguridad sa pagkain ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, ang FYFIPT ay isa sa mga pangunahing international exchange programs ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng ATI, katuwang ang TECO at MECO. Mula nang ilunsad ito noong 2021, daan-daang kabataang Pilipinong magsasaka na ang nabigyan ng pagkakataong makaranas ng hands-on training sa Taiwan at makapagdala ng mga bagong teknolohiya at kaalaman sa kanilang pagbabalik sa bansa.

4473a674-4da3-4b6b-920f-eba67d129e4d.jpg

Para sa anim na interns mula sa Cagayan Valley, ang kanilang pag-alis patungong Taiwan ay hindi lamang personal na tagumpay kundi isang pagkakataong katawanin ang rehiyon sa pandaigdigang larangan ng agrikultura. Inaasahang magsisilbi silang inspirasyon sa iba pang kabataan na tingnan ang pagsasaka bilang isang moderno, makabago, at kapaki-pakinabang na propesyon.

Habang sinisimulan nila ang bagong yugto ng kanilang paglalakbay, dala nila ang pag-asa ng kanilang mga pamilya, komunidad, at ng buong sektor ng agrikultura sa Cagayan Valley, na sa kanilang pagbabalik sa bansa ay magiging mga tagapagtaguyod ng makabago at mas produktibong agrikultura para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipinong magsasaka.

article-seo
bad