Matagumpay na isinagawa ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang Bureau of Plant Industry–National Seed Quality Control Services Region 02 (BPI-NSQCS 02) at Department of Agriculture–Regional Field Office 02 (DA-RFO 02), ang Basic Training on Field Legumes Seed Production and Certification noong May 11–13, 2026 sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela.
Isinagawa ang pagsasanay bilang tugon sa pangangailangan ng mga magsasaka ng legumes sa lalawigan ng Isabela na mapalawak ang kanilang kaalaman at kasanayan sa wastong produksyon at sertipikasyon ng dekalidad na binhi ng munggo, mani, at soybean.
Dinaluhan ang tatlong araw na pagsasanay ng 34 na magsasaka mula sa mga bayan ng San Mateo, Cabatuan, Gamu, at Naguilian, Isabela. Kabilang sa mga kalahok ang mga bagong seed grower applicants at mga magsasakang nagpapanibago ng kanilang sertipikasyon.
Pinangunahan ng mga kinatawan mula sa DA-RFO 02, DA-Cagayan Valley Research Center (DA-CVRC), at BPI-NSQCS ang serye ng mga talakayan at praktikal na pagsasanay hinggil sa iba’t ibang aspeto ng produksyon ng binhing legumbre.
Tinalakay ni Mr. Raffy Ortega ang kasalukuyang kalagayan ng industriya ng binhing legumes sa Rehiyon Dos. Kasama naman si Mr. Mark Julius Tracatac ng DA-CVRC, ibinahagi nila ang wastong cultural management practices sa iba’t ibang yugto ng produksyon ng munggo, mani, at soybean, kabilang ang tamang post-harvest operations.
Samantala, ibinahagi ni Mr. Lovemar Morales ng Department of Agriculture–Regional Crop Protection Center (DA-RCPC) ang mga epektibong pamamaraan sa pamamahala ng mga pangunahing peste at sakit na nakaaapekto sa mga legumbre upang mapanatili ang kalidad at produktibidad ng mga pananim.
Tinalakay rin ni Engr. Richie L. Vea ng BPI-NSQCS ang mga alituntunin, polisiya, at proseso sa produksyon at sertipikasyon ng binhi ng legumes. Sinundan ito ng mga praktikal na pagsasanay sa seed sampling, sample preparation, tagging, field inspection, at rouging na pinangunahan nina Mr. Sammy Oppuer at Mr. Nicson P. Dela Cruz ng BPI-NSQCS.
Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng pasasalamat ang mga kalahok sa pagsasagawa ng naturang pagsasanay na matagal na nilang hinihintay. Ayon sa kanila, malaki ang naitulong ng seminar upang maitama ang ilang nakasanayang pamamaraan sa paghawak at produksyon ng binhi, partikular sa munggo, at higit pang mapalalim ang kanilang kaalaman hinggil sa dekalidad na seed production technologies.
Ibinahagi rin ng mga kalahok na mahalagang mailapat nila ang mga natutunang kaalaman at kasanayan upang higit pang mapaunlad ang lokal na produksyon ng legumbre, makatugon sa tumataas na pangangailangan ng bansa sa dekalidad na binhi, at mapanatili ang pagkilala sa San Mateo bilang “Mungbean Capital of the Philippines.”
Samantala, bilang tugon, tiniyak ni ATI-RTC 02 Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka sa pamamagitan ng ATI-RTC 02, BPI-NSQCS, at DA-RFO 02, lalo na sa pagpapalakas ng industriya ng munggo at pagpapataas ng productivity ng mga magsasaka.
Binigyang-diin niya na napapanahon ang pagsasanay kasabay ng patuloy na pagsusulong ng Department of Agriculture sa pagpapalawak ng industriya ng munggo sa bansa dahil sa tumataas na pangangailangan dito bilang isang masustansya, climate-resilient, at high-value crop. Aniya, mahalaga ang munggo sa pagsusulong ng food security, pagsuporta sa lokal na food processing industry, at pagbibigay ng dagdag na kabuhayan sa mga magsasaka, kaya kinakailangang patuloy na paunlarin ang produksyon ng dekalidad na binhi upang mapanatili ang paglago ng industriya.
Naghatid din ng mensahe ng hamon at suporta si Engr. Richie L. Vea ng BPI-NSQCS 02 sa pagbubukas at pagtatapos ng aktibidad. Hinikayat niya ang mga kalahok na gamitin at ipalaganap ang kanilang mga natutunan upang higit pang mapaunlad ang industriya ng legumbre sa rehiyon.