Matagumpay na isinagawa ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ang Training on Insemination and Pregnancy Diagnosis in Large Animals katuwang ang Department of Agriculture–Regional Field Office 02 (DA-RFO 02), at Philippine Carabao Center (PCC), sa ATI-RTC 02 Center, Cabagan, Isabela, noong Oktubre 1, 2025.
Dumalo sa aktibidad sina Dr. Bryan S. Sibayan, Regional Livestock Focal Person ng DA-RFO 02, Mr. Romulo A. Salas, Training Specialist mula sa PCC–Piat Campus, at Dr. Jane G. Cabauatan, Cluster Executive Officer ng Isabela State University–Cabagan Campus. Kasama rin sa mga dumalo sa nasabing aktibidad ang mga Municipal Agriculturist mula sa bayan ng Delfin Albano, Tumauini, at Santa Maria, Isabela.
Pormal namang kinumpirma ni Dr. Claris Marayag Alaska, OIC Center Director ng ATI-RTC 02, ang mga kalahok bilang ganap na graduates ng pagsasanay. Sa kanyang taos-pusong mensahe, ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat at paghanga sa determinasyon ng mga trainee. “Hindi dito nagtatapos ang inyong pagkatuto, kundi dito pa lamang nagsisimula ang inyong mas malaking ambag sa ating sektor ng agrikultura,” ani Dr. Alaska. “Nawa’y ipraktis ninyo ang inyong mga natutunan sa inyong mga komunidad at maging inspirasyon sa kapwa ninyo magsasaka at technician.”
Bilang pagkilala sa kanilang sipag at galing, iginawad ang parangal sa mga Top Achievers na nakakuha ng pinakamataas na marka sa praktikal at teoretikal na bahagi ng pagsasanay. Meritorious Awards din ang ibinigay sa mga kalahok na nagpamalas ng kasipagan, kahusayan, at mabuting asal sa buong panahon ng pagsasanay.
Samantala, kinilala rin ang mga eksperto at resource speakers mula sa PCC, DA-RFO 02, at mga Lokal na Pamahalaan ng Delfin Albano, San Manuel, Isabela, at Gonzaga, Cagayan sa kanilang mahalagang ambag sa matagumpay na pagpapatupad ng programa.
Isa sa mga tampok ng programa ay ang presentasyon ng Training Synthesis mula kay Dr. Maurieann M. Turingan, Project Officer ng training. Sa kanyang mensahe, inihalintulad niya ang mga kalahok sa isang “talim” – may kakayahan ngunit kailangang hasain. Ayon sa kanya, "Kayo ay parang talim. At sa pamamagitan ng pagkakaisa ng ATI, PCC, at DA-RF02, kayo ay pinatalas hindi lang sa kaalaman, kundi sa kasanayan at dedikasyon sa serbisyo." Binigyang-diin niya na sa likod ng matagumpay na training ay ang sama-samang paghubog ng tatlong ahensya upang lalong paunlarin ang kakayahan ng mga bagong AI technicians.
Sa pagtatapos ng programa, taglay ng bawat graduate ang bagong kaalaman, matibay na determinasyon, at panibagong misyon na maglingkod at maging katuwang sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa kanilang mga komunidad.