“Sa tagal ko nang farmer, ngayon ko lang ito lubos na naintindihan.” Ito ang taos-pusong pahayag ni Arnel B. Lozano ng Arcon, ng Maligaya Masaganang Magsasaka Inc, mula sa bayan ng Tumauini, Isabela matapos dumalo sa Training on Fertilizer and Pesticide Handling and Management for Farmer Leaders (Batch 8) sa ATI-RTC 02, Brgy. Malasin, San Mateo, Isabela, noong April 6-8, 2026.
Para kay Lozano, ang pagsasanay ay hindi lamang simpleng seminar kundi isang mahalagang pagbubukas ng isip sa mga bagay na matagal na nilang ginagawa sa bukid ngunit hindi pala palaging tama, lalo na sa paggamit ng pestisidyo at abono.
“Marami palang dapat gawin lalo sa pesticide, mula sa label, tamang disposal, timing ng pag-abono, at mga bagay na dati ay hindi ko gaanong nabibigyan ng pansin,” aniya.
Isa si Lozano sa 30 rice farmer-leaders mula sa NIA-MARIIS at NIA Region 02 na lumahok sa tatlong araw na pagsasanay na pinangunahan ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), katuwang ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA Region 02), NIA-MARIIS, at NIA Region 02.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga magsasaka sa wastong paggamit, paghawak, at pamamahala ng fertilizers at pesticides upang maprotektahan ang kanilang kalusugan, mapangalagaan ang kapaligiran, at matiyak ang ligtas na produksyon ng pagkain.
Sa pagsasanay, tinalakay ang mandato at regulasyon ng FPA, registration of fertilizers and pesticides, biorational pesticides, safe handling and application, fertilizer and pesticide mode of action, pesticide resistance management, safety and emergency procedures, at Good Agricultural Practices (GAP) sa rice production.
Para naman kay Liezel C. Duclayan ng Villa Nery Farmers Irrigators Association Inc., naging malinaw sa kanya kung gaano kahalaga ang tamang dami at tamang paraan ng paggamit ng pesticide. “Dito ko natutunan ang right amount o dosage, application at storage ng mga pesticide na ang mga dating gawain ay hindi pala dapat. Kailangan talaga nating matutunan ang mga ito,” aniya.
Samantala, para kay Cenon Jr. U. Agonoy ng Darip Irrigators Association sa San Agustin, Isabela, mas malalim ang naging epekto ng seminar. Aniya, hindi lamang kaalaman ang kanilang natanggap kundi isang mas malawak na pananaw bilang mga magsasaka—na bawat desisyon sa bukid ay may epekto hindi lamang sa ani kundi sa kalusugan ng pamilya, kaligtasan ng mamimili, at kinabukasan ng kapaligiran.
Sa pamamagitan ng Good Agricultural Practices o GAP, mas naunawaan ng mga kalahok na ang pagsasaka ay hindi lamang trabaho kundi isang responsibilidad na nangangailangan ng disiplina, pag-iingat, at malasakit.
Sa gitna ng patuloy na hamon sa agrikultura, nananatiling mahalaga ang mga ganitong pagsasanay upang ang mga farmer leaders ay maging gabay rin sa kanilang mga komunidad. Dahil sa tamang kaalaman, ang simpleng magsasaka ay nagiging tagapagbahagi ng pagbabago, at ang bawat ani ay nagiging bunga hindi lamang ng sipag, kundi ng wastong pagkatuto.