Mon, 04/27/2026 - 16:46

Nagsagawa ang Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 ng Briefing on e-Extension for Agriculture and Fisheries noong Abril 24, 2026 sa Nueva Vizcaya State University, Bayombong, Nueva Vizcaya bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng makabagong agrikultura.

Layunin ng nasabing aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga kabataan hinggil sa paggamit ng e-Learning website ng ATI. Sa pamamagitan nito, inaasahang mahihikayat ang mga estudyante na matutong yakapin at isulong ang agrikultura bilang mahalagang bahagi ng kanilang kinabukasan at ng kanilang mga komunidad.

IMG_5320.JPG

Dinaluhan ang aktibidad ng 50 na mag-aaral at mga guro mula sa College of Agriculture ng nasabing unibersidad. Ipinakita ng kanilang aktibong partisipasyon ang interes ng kabataan sa larangan ng agrikultura, lalo na sa paggamit ng makabagong teknolohiya.

Sa mensahe ni Dr. Aldwin D. Pablo, dean ng College of Agriculture, binigyang diin niya na ang isa sa mga mahahalagang papel ng kabataan ay maging stewards ng makabago at hinaharap na agrikultura. Ayon sa kanya, mahalagang magpatuloy ang mga kabataan sa kanilang kaalaman at kasanayan sa mga makabago at modernong pamamaraan sa pagsasaka upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng panahon.

IMG_5401.JPG

Tinalakay rin sa programa ang iba’t ibang online courses na matatagpuan sa e-Learning platform ng ATI na naglalayong magbigay ng accessible na kaalaman sa agrikultura at pangisdaan. Bukod dito, ipinakilala rin ang mga Youth Programs ng ATI na maaring maging malaking oportunidad para sa mga estudyante upang mas mapalawak ang kanilang karanasan sa sektor ng agrikultura.

Isa sa mga tampok na inisyatiba na ibinahagi ay ang Agri-Extension on Wheels, isang programang naglalayong dalhin ang mga serbisyong pang-edukasyon at teknikal ng ATI sa mas maraming komunidad, lalo na sa mga liblib na lugar. Sa pamamagitan nito, mas napapalapit ang teknolohiya at kaalaman sa mga magsasaka, mangingisda, at kabataan.

Sa pagtatapos ng aktibidad, ang mga estudyante ay nakagawa ng kani-kanilang mga account at nakapag-enroll sa iba’t-ibang free online courses.

IMG_5468.JPG

article-seo
bad