Isinagawa ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ang Phase 2 ng Expanded Basic Agricultural Extension Course (EBAEC) Batch 1 para sa mga extension workers ng Department of Agriculture sa Rehiyon 2.
Ang ikalawang yugto ng EBAEC ay nakatuon sa pagpapatuloy ng mga aralin sa Policy, Planning, Monitoring and Evaluation (PPME) at Stakeholder Needs Assessment (SNA). Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa pagsusuri ng mga pangangailangan ng komunidad bilang batayan sa pagbuo ng angkop na mga interbensyon sa sektor ng agrikultura.
Sa isinagawang mga talakayan at workshop, hinati ang mga kalahok ayon sa iba’t ibang commodity tulad ng High Value Crops na kamatis, palay, mais, niyog, at saging. Sa gabay nina Mr. Aldrin E. Abarca, Information Officer II, at Ms. Joan May Z. Bareno, Development Management Officer II ng ATI-RTC 02, tinukoy ng bawat grupo ang mga pangunahing suliranin at kaukulang layunin para sa kani-kanilang commodity. Isinagawa rin ang workshop para matukoy at makita ng mga ito ang kanilang gagampanang papel sa pagtugon sa pangangailangan ng magsasaka sa komunidad.
Samantala, tinalakay ni Ms. Mayflor R. Macmac, Planning Officer II, ang kahalagahan ng Stakeholder Needs Assessment (SNA) bilang mahalagang kasangkapan sa pagsusuri ng datos at iba pang impormasyon na makatutulong sa pagtukoy ng angkop na interbensyon sa isang partikular na lugar.
Binigyang-diin na mahalaga na maunaawan ang mga pangangailangan at ang mga isyung kinahaharap ng mga stakeholder. Pinakamabisa ito kung malinaw ang layunin at may sapat na ebidensya upang magsilbing gabay sa pagpapasya at tamang alokasyon ng mga yaman.
Bilang pangunahing output ng Phase 2 ng EBAEC, ang mga kalahok ay naghanda ng kani-kanilang concept note, na magsisilbing pundasyon sa mas epektibong pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang pang-agrikultura sa kanilang nasasakupan.
Ginanap ang EBAEC Phase 2 sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela noong December 8-12, 2025.