Tue, 07/07/2026 - 18:29

Muling pinagtibay ng Agricultural Training Institute-Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) ang patuloy nitong suporta sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga pamayanan sa pamamagitan ng pakikilahok sa Regionwide Turnover Ceremony ng mga Proyekto ng Gulayan sa Bayan (GSB) na isinagawa noong Hulyo 2, 2026 sa Department of Agriculture-Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES) sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa pangunguna ng Department of Agriculture-Regional Field Office 02 (DA-RFO 02), isinagawa ang turnover ng mga agricultural intervention na nagkakahalaga ng 6,900,000.00 para sa mga Rural Improvement Club (RIC), 4H Club, at Community-Based Organizations (CBO) mula sa 69 na munisipalidad sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya. Samantala, hiwalay na ipinagkaloob ang mga proyekto para sa mga benipisyaryo mula sa Batanes dahil sa lokasyon at mga konsiderasyong pangheograpiya ng lalawigan.

10f4cfc6-1267-48fa-9bd4-3bdab101815b.jpg

Ang Gulayan sa Bayan Project ay isang proyekto na ipinatutupad sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng DA-RFO 02 na naglalayong isulong ang napapanatiling produksyon ng gulay, palakasin ang seguridad sa pagkain at lumikha ng karagdagang kabuhayan sa pamamagitan ng pagtatatag at pagpapalawak ng mga community vegetable garden sa buong Region 02.

Dumalo sa turnover ceremony ang mga kinatawan ng mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang organisasyon kasama ang kanilang mga Municipal Agriculturist at Agricultural Extension Worker upang pormal na tanggapin ang mga intervention na magsisilbing suporta sa pagtatatag, pagpapalawak, at pagpapatuloy ng kanilang mga community vegetable garden.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 16, Series of 2025, isinabatas ang Gulayan sa Bayan bilang isang pambansang programa ng DA-HVCDP na naglalayong mapabuti ang access ng mga komunidad sa masustansyang pagkain, mapalakas ang lokal na sistema ng produksyon ng gulay at punla, at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa kabuhayan hindi lamang sa pagbebenta ng gulay mula sa kanilang mga pananim kung hindi maging ang pagbebenta ng mga seedlings.

Bilang ahensyang nangangasiwa sa capacity development component ng proyekto, nakatakdang magsagawa ang ATI-RTC 02 ng ibat ibang pagsasanay, technical assistance, at extension support  para sa mga benepisyaryo. Layunin nitong higit pang mapaunlad ang kanilang kaalaman at kasanayan sa produksyon ng gulay, pagpapatatag ng organisasyon at paggamit ng mga makabago at napapanatiling pamamaraan sa pagsasaka upang matiyak ang epektibong pagpapatupad at pangmatagalang tagumpay ng programa.

Sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa programang ito, patuloy na isinusulong ng ATI-RTC 02 ang mandato nitong mapaunlad ang kakayahan ng mga magsasaka at organisyon sa kanayunan, tungo sa pagkakaroon ng mas matatag, masagana at ligtas sa pagkain na mga pamayanan sa Rehiyon 02.

 

By: REGIE M. CULANG, RAgr

8b333835-7633-41ad-94c8-b71e5d7f11f8 (1).jpg

article-seo
bad