Nagsagawa ng Semestral Assessment ng EAsY Agri at EdGE Scholarship Programs ang Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) na dinaluhan ng 20 ATI scholars bilang bahagi ng pagsubaybay sa kanilang akademiko at personal na pag-unlad.
Layunin ng aktibidad na masuri ang akademikong performance ng mga iskolar, makita ang kanilang improvement sa iba’t-ibang aspeto, at mapanatili ang maayos na ugnayan sa pagitan ng mga iskolar at tagapagpatupad ng programa upang higit pang mapabuti ang implementasyon ng scholarship.
Bilang bahagi ng programa, isinagawa ang presentasyon ng EAsY Agri Batch Presidents’ Scholars’ Progress Report, kung saan inilahad ng mga ito ang mga natatanging akademikong tagumpay at natapos na mga pagsasanay sa pamamagitan ng e-learning. Ibinahagi ni Ms. Jean Randinne Y. Aquino, Pangulo ng EAsY Agri Batch 1, na lima sa labing-apat na graduates ng kanilang batch ay kasalukuyang may trabaho, kabilang ang tatlo sa ATI-RTC 02, isa sa Department of Agriculture–Northern Cagayan Experiment Station, at isa bilang agricultural extension worker sa Local Government Unit. Binanggit din niya na dalawa sa kanilang batch ang pumasok na sa pagnenegosyo.
Samantala, iniulat ni Mr. Joseph Castañeda, kinatawan ng EAsY Agri Batch 2, na dalawa sa kanilang labindalawang batch mates ang Dean’s Lister at nagsisikap na makapagtapos bilang cum laude. Ibinahagi naman ni Mr. John Paul Lameg, Pangulo ng EAsY Agri Batch 3, ang kalagayan ng kanilang batch kaugnay ng mid-year classes at mga natapos na e-learning courses ng ATI.
Sa ulat naman ng EdGE Scholars, dalawang iskolar sa ilalim ng EdGE MS Program ang matagumpay na nagtapos noong Hulyo ng Scholar Year 2024–2025. Ibinahagi rin ni Ms. Gemma Bagunu ang kanyang karanasan sa pagkuha ng Doctor of Philosophy, kung saan binigyang-diin niya na bagama’t mahirap ang graduate studies, ito ay lubos na nagbibigay-kasiyahan sa kanya. Hinikayat din niya ang mga iskolar na ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap at dedikasyon sa kabila ng mga hamon sa pagkamit ng mga pangarap.
Nagbahagi rin si Ms. Jennifer Miranda ng kanyang inspirational message, kung saan tinalakay niya ang mga pagsubok na kanyang hinarap sa paggawa ng thesis. Ipinunto niya na sa kabila ng mga paghihirap at pagdududa, ang tiyaga, disiplina, at suporta ng mga mentor ang naging susi sa kanyang tagumpay.
Samantala, nagsagawa rin ng Activity Management Team ng isang participatory activity upang makakalap ng mga mungkahi at rekomendasyon mula sa mga iskolar, na magsisilbing gabay sa pagpaplano ng mga susunod na aktibidad at programa ng ATI para sa mga iskolar.