Thu, 06/25/2026 - 09:14

Sinanay ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture–Regional Field Office 02 (DA-RFO 02), ang mga kasapi ng Timpuyog ti Babbalasang idi Kalman–Nueva Vizcaya (TIBIK-NV), Inc., bilang pagsisimula sa proseso ng pagbuo at paghahanda para sa pagbuo ng Participatory Guarantee System (PGS), sa Solano Integrated Agroi-Toursim Center, noong June 15-19, 2026.

IMG_2548.JPG

Dumalo sa nasabing pagsasanay ang 21 kasapi nito at isang Agricultural Extension Worker mula sa nasabing bayan. Tinalakay sa limang magkakahiwalay na modyul ang mga mahahalagang paksa kabilang ang Republic Act No. 11511 o Organic Agriculture Act, Philippine National Standards (PNS) para sa organikong pagsasaka, pagtatatag at operasyon ng PGS bilang Organic Certifying Body, at mga proseso ng peer review at certification.

Dagdag pa rito, nagsagawa rin ng field inspection sa Gumangan-Makiling Integrated Farm sa Brgy. Paitan, Bayombong, Nueva Vizcaya na pagmamay-ari ni Ms. Vergita G. Makiling, miyembro ng Nueva Vizcaya PGS group, sa nasabing bayan. Ito ay isang hakbang upang mas matuto ang mga kalahok sa pagsasagawa ng kanilang magiging tungkulin at nagbigay sa mga miyembro ng TIBIK-NV, Inc., ng pagkakataong mailapat ang kanilang natutuhan sa pagsasagawa ng peer review at pagsusuri para sa sertipikasyon.

IMG_2488.JPG

Samantala, ayon kay Cristine Joy T. Eda ng TIBIK-NV, marami silang natutunan sa nasabing pagsasanay. “Hindi namin malilimutan ang training na ito. Napakarami naming natutunan tungkol sa organic agriculture,” saad ni Eda. Ibinahagi naman ni Arsenia L. Vera, isang magsasaka at lider mula sa Brgy. San Juan, na higit niyang naunawaan na ang organikong pagsasaka ay hindi lamang tungkol sa produksyon kundi tungkol din sa pangangalaga sa kalusugan at kinabukasan. Binigyang-diin naman ni Ramon P. Ramento na ang pinakamahalagang aral na kanyang natutuhan ay ang katotohanang “ang organic farming ay isang paraan ng pamumuhay” na naglalayong protektahan ang kalusugan ng tao, kapaligiran, at susunod na henerasyon.

Binigyang-diin din sa pagsasanay ang mahalagang papel ng Participatory Guarantee System bilang mekanismo ng de-kalidad at katiyakan para sa mga organikong produkto. Sa sistemang ito, ang mga magsasaka mismo ang aktibong nakikibahagi sa pagtiyak ng integridad ng kanilang mga produkto, habang pinapalakas ang ugnayan ng mga producer at mamimili sa loob ng komunidad.

IMG_2473.JPG

Nagbigay naman ng suporta at inspirasyon si Sangguniang Bayan Member, at Chairman ng Committee on Agriculture, Roland M. Carub, J.D. Aniya, nakahanda ang lokal na pamahalaan na suportahan ang pagsusulong ng organikong pagsasaka sa knailang bayan.

Isa rin sa naging tampok ng pagsasanay ang pamamahagi ng vegetable seeds starter kits at seedling trays mula sa Office of the Municipal Agriculturist upang higit na mahikayat ang mga kalahok na isabuhay ang mga natutunang prinsipyo ng organikong pagsasaka.

IMG_2266.JPG

article-seo
bad