Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng pamahalaan sa seguridad sa pagkain, at pagpapalawak ng kabuhayan, nagsagawa ang Agricultural Training Institute-Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) katuwang ang Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DARFO02) ng Seminar on Chicken Layer Management para sa 25 benepisyaryo ng Livelihood Opportunities and Viable Enterprise (LOVE) for Agricultural Communities: Chicken Layer Project sa Multipurpose Hall, ng Itbayat, Batanes, noong May 26, 2026.
Ang LOVE Project ay isang inisyatiba ng DA-RFO 02 na naglalayong magbigay ng mga layer chicken module sa mga piling benepisyaryo upang magkaroon sila ng karagdagang mapagkukunan ng kita habang nakatutulong sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng itlog at pagkain sa kanilang mga komunidad.
Bilang capacity builder ng Department of Agriculture, isinagawa ng ATI ang isang araw na seminar upang ihanda ang mga benepisyaryo sa wastong pamamahala ng kanilang magiging layer enterprise. Sa pamamagitan ng pagsasanay, nabigyan ang mga kalahok ng mahahalagang kaalaman at kasanayan hinggil sa iba't ibang aspeto ng chicken layer production.
Kabilang sa mga tinalakay ang tamang pagpapakain, wastong pabahay, pangangalaga sa kalusugan ng mga manok, at iba pang mga pamamaraan upang mapanatili ang mataas na produksyon at matiyak ang matagumpay na pagpapatakbo ng kanilang mga poultry enterprise.
Pinangunahan ang aktibidad ni Dr. Ivie Soriano ng DA-Batanes Experimental Station (DA-BES) sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office (MAO), na kinatawan ni Ms. Russel Lourdes M. Alcazar. Naging tagapagsalita naman si Mr. Alexis Jan Sojo ng DA-BES na nagbahagi ng teknikal na kaalaman at praktikal na mga pamamaraan sa mahusay na pamamahala ng layer chickens.
Samantala, bilang pagpapatuloy ng suporta sa implementasyon ng LOVE Project sa buong Rehiyon 02, nakatakda ring magsagawa ang ATI-RTC ng apat (4) pang batch ng Seminar on Chicken Layer Management sa natitirang apat na lalawigan ng rehiyon sa mga susunod na buwan ng Hulyo at Agosto. Layunin nitong mabigyan ng sapat na kaalaman at paghahanda ang iba pang mga benepisyaryo upang matiyak ang matagumpay at sustenableng pagpapatupad ng proyekto.
Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan ng iba't-ibang ahensya at ng walang humpay na pagsisikap sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga magsasaka at benepisyaryo, nananatiling katuwang ang Department of Agriculture at ATI sa pagbuo ng mas matatag, produktibo, at masaganang agrikultura.