Mon, 09/22/2025 - 10:55

Matagumpay na isinagawa ang ikatlong batch ng Training on Pesticide Handling, Management, and Updates on Commonly Used Pesticides in the Market noong Setyembre 9–11, 2025, na dinaluhan ng 30 cluster leaders at miyembro mula sa National Irrigation Administration - Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) Division II.

IMG_9319.JPG

Ang tatlong araw na pagsasanay ay naglalayong palalimin ang kaalaman at kasanayan ng mga farmer-leader sa tamang paggamit at pamamahala ng mga pestisidyo, bilang suporta sa mga layunin ng sustainable agriculture, food safety, at farmer protection.

IMG_9305.JPG

Kabilang sa mga tinalakay na paksa sa pagsasanay ay ang mandato ng Fertilizer and Pesticide Authority kaugnay sa regulasyon ng pestisidyo; mga patakaran at alituntunin sa paggamit ng abono at pestisidyo; pangkalahatang kaalaman sa mga uri ng pestisidyo at pataba; at ang konsepto ng biorational pesticides, kabilang na ang biochemical at microbial pest control agents. Pinagtuunan din ng pansin ang Safe Handling Application, Pesticide Mode of Action at Resistance Management, Safety and Emergency Procedures, at ang mga Konsepto ng Good Agricultural Practices (GAP) para sa produksiyon ng palay.

IMG_9355.JPG

Isang parte din sa training ang field visit sa isang chemical warehouse sa Santiago City, kung saan ipinakita ang wastong pag-iimbak at pamamahala ng mga kemikal, at ang proseso ng paggawa ng organic fertilizers. Bukod dito, bumisita rin ang grupo sa PhilRice techno-demo farm, na nagpakita ng iba't ibang makabagong teknolohiya at kasanayang nakatuon sa pagpapabuti ng ani, kahusayan sa pagsasaka, at pangmatagalang proteksyon sa kapaligiran.

IMG_9386.JPG

Dagdag pa rito, tinalakay rin ang mga bagong polisiya sa agrikultura sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 2024-25, at isang makabuluhang sesyon sa Integrated Pest Management (IPM) na nagpapaalala sa kahalagahan ng balanseng pamamaraan sa pagkontrol ng peste sa sustenabling paraan.

IMG_9350.JPG

Ang pagsasanay ay hindi lamang nakatuon sa teknikal na aspeto, kundi nagsilbi ring plataporma para sa pagpapalitan ng karanasan at pananaw mula sa mga kalahok. Isa sa kanila, si Cesar R. Pagaduan mula sa Tandul IA, Alicia, Isabela, ay nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat. “Dahil dito sa training, nadagdagan ang aming kaalaman sa paggamit ng mga kemikal, dito ko rin natutunan ang paraan ng pagkilatis sa mga aprubadong pestisidyo at abono mula sa mga peke. Kaya naman masasabi kong tunay na napakarami kong natutuhan sa pagsali sa training na ito.”

IMG_9259.JPG

Samantala, si Emerlito Carlos mula sa Rambo IA, Ramon, Isabela, ay nagbahagi rin ng kanyang natutunan. “Ang natutunan ko dito sa training ay kailangan nating sundin ang mga direksyon sa tamang paggamit ng pesticide at mahalaga ring bumisita sa ating palayan araw-araw para malaman natin kung ano ang nararapat na ilagay sa ating bukid. Sa paggamit ng kemikal, kailangang sundin kung ano ang nakasaad sa label nito upang masunod ang iyong hangaring malunasan ang problema sa ating sakahan.”

IMG_9265.JPG

Ang aktibidad ay naisakatuparan sa pamamagitan ng matatag na ugnayan ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center II (ATI-RTC II) at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) – Region 02, sa pangunguna ni G. Leo Bangad, regional manager, at ng NIA-MARIIS, sa pamumuno ni Engr. Gilue Michael O. Dimoloy, department manager.

IMG_9363.JPG

article-seo
bad