Pormal ng pinirmahan ngayong araw, Mayo 12, 2026, ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), at ng mga kalahok ng Filipino Young Farmers Internship Program in Taiwan (FYFIPT) Batch 7. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng ATI, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, anim na interns na sasailalim sa internship training sa Taiwan, gayundin ng mga interns mula sa FYFIPT Batch 6 bilang pagpapakita ng suporta at pagbabahagi ng kanilang karanasan sa programa.
Kabilang sina Jimwell T. Agustin at Alexandria P. Ramos mula sa Echague, Isabela, Shaira Mae M. Rodillas mula sa Abulug, Cagayan, at sina Krismajaya J. Bantulay, Ramel A. Dodon, at Kengy F. Baltazar mula sa Kayapa, Nueva Vizcaya, ang lilipad sa darating na buwan ng Hunyo, patungo sa bansang Taiwan.
Ang FYFIPT ay flagship program ng Department of Agriculture sa pakikipagtulungan ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) at Manila Economic and Cultural Office (MECO). Layunin nitong palawakin ang kaalaman ng kabataang Pilipino sa makabagong teknolohiya sa agrikultura, farm management, marketing strategies, at agribusiness systems na ginagamit sa Taiwan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni ATI-RTC 02 Center Director, Dr. Claris Marayag-Alaska ang kahalagahan ng partisipasyon ng kabataan sa sektor ng agrikultura, lalo na sa gitna ng tumatandang populasyon ng mga magsasaka sa bansa. Hinikayat din nito ang mga intern na i-apply ng mga ito ang kanilang matututunan sa Taiwan pagbalik nila sa bansa. “We are hoping na ang matututunan ninyo doon na teknolohiya sa pagsasaka ay i-aapply ninyo pagbalik ninyo dito sa ating bansa. At para mas mahikayat pa natin ang mga kapwa ninyo kabataan na yakapin ang pagsasaka,” saad ni Dr. Alaska.
Nagkaroon din ng presentasyon ng internship agreement, MOA signing, at mensahe ng suporta mula sa mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at agricultural sector bilang simbolo ng kanilang pakikiisa sa adhikain ng programa. Kabilang sina OIC-Assistant Center Director at Information Services Section Chief, Vladimir B. Caliguiran, OPA-Isabela RBO Provincial Coordinator, Evangeline D. Dannug, at Bernard L.Ojano, Municipal Agriculturist LGU-Abulug, Cagayan ang saksi sa naganap na Internship Agreement signing at nagpahayag ang mga ito ng kani-kanilang suporta sa nasabing programa.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga interns na sina Efren P. Lamsis ng Kayapa, Nueva Vizcaya, Junel A. Pumma ng Cordon, Isabela, Devine Grace T. Nevada ng Bayombong, Nueva Vizcaya, at Jenifer N. Laudencia ng Cabarroguis, Quirino ay mga FYFIPT batch 6 interns na umuwi sa Pilipinas noong May 4, 2026, matapos ang kanilang 11 buwang internship sa nasabing bansa, at handa na ang mga ito na maibahagi ang kani-kanilang natutunan sa Taiwan sa kani-kanilang komunidad.
Samantala, sa ilalim ng programa, sumasailalim ang mga interns sa halos 11 buwang hands-on training at farm immersion sa iba’t ibang agricultural farms at institutions sa Taiwan. Kabilang dito ang pagsasanay sa high-value crops, smart farming technologies, greenhouse production, livestock management, at modernong pamamaraan ng agribusiness operations..
Patuloy namang hinihikayat ng ATI ang mga kabataang Pilipino na pasukin ang agrikultura, hindi lamang bilang kabuhayan kundi bilang mahalagang ambag sa pambansang kaunlaran at seguridad sa pagkain. Sa pamamagitan ng mga programang tulad ng FYFIPT, unti-unting binibigyang mukha ang isang mas moderno, makabago, at masiglang kinabukasan para sa sektor ng agrikultura sa bansa.