Pinalawak ng Agricultural Training Institute–Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), ang kaalaman at kakayahan ng 31 magsasaka sa Ballesteros, Cagayan sa pamamagitan ng unang batch ng Training on Good Agricultural Practices (GAP) on Rice Production na isinagawa mula June 22-24, 2026, bilang paghahanda sa kanilang GAP certification.
Layunin ng tatlong araw na pagsasanay na ihanda ang mga kasapi ng Nararagan Valley sa mga pamantayan ng Good Agricultural Practices (GAP) sa produksyon ng palay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kinakailangang kaalaman, kasanayan, at wastong pag-uugali upang matugunan ang mga rekisito para sa sertipikasyon. Ang Nararagan Valley MPC ay isa sa mga RiceBIS community ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Isabela.
Tinalakay sa pagsasanay ang kahulugan at kahalagahan ng GAP, kalagayan ng industriya ng pagkain at mga umiiral na batas, Philippine National Standards para sa GAP, at ang proseso ng aplikasyon at sertipikasyon. Pinangunahan nina Ms. Noemi O. Valdez, Training Specialist II ng ATI-RTC 02, at Mr. Reden Mark T. Casem, Agriculturist I ng Regulatory Division ng Department of Agriculture Regional Field Office 02, ang mga sesyon sa pamamagitan ng mga lektyur, interaktibong talakayan, praktikal na pagsasanay, at iba pang learning activities.
Sa opening program, binigyang-diin nina Municipal Mayor Robert Ogalino, M.D., Dr. Ofelia C. Malonzo ng PhilRice Isabela, at Engr. Roderick Lazo, municipal agriculturist, ang kahalagahan ng ligtas at sustainable na pamamaraan ng pagsasaka upang mapataas ang productivity at pagiging competitive ng mga magsasaka. Ipinaalala rin nila na mahalagang hakbang ang pagsasanay tungo sa pagkamit ng GAP certification at pagbuo ng mas matatag na ugnayan sa mga institutional buyers.
Isa sa mga tampok na bahagi ng pagsasanay ang isinagawang mock GAP assessment sa Grandeza Integrated Farm School, Inc., kung saan sinuri ng mga kalahok ang pagsunod ng sakahan sa Philippine National Standards for GAP. Kanilang sinuri ang pamamahala ng bukid, mga pasilidad, mga gawaing pangsakahan, at kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa. Nagtapos ang aktibidad sa presentasyon ng mga naging obserbasyon at mga rekomendasyong makatutulong sa pagpapabuti ng pagsunod sa mga pamantayan.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, hinikayat nina Sanguniang Bayan member at Committee on Agriculture Chairperson Marcus Collado, Engr. Roderick Lazo, at Ms. Marlyn Cuaresma, Chairperson ng Nararagan Valley Multi-Purpose Cooperative, ang mga kalahok na isabuhay ang kanilang mga natutunan, ipagpatuloy ang proseso ng GAP certification, at sama-samang makapagprodyus ng ligtas at de-kalidad na palay na tumutugon sa mga pamantayan ng merkado.
Ibinahagi naman ng mga kalahok ang positibong epekto ng pagsasanay sa kanilang pagkatuto. Ayon kay Benjamin Collado ng Centro West, Ballesteros, humanga siya sa husay ng mga tagapagsanay ng ATI-RTC 02 at sa paraan ng kanilang pagtuturo. Aniya, naging makabuluhan at interaktibo ang mga talakayan dahil aktibong nakilahok ang mga kalahok.
Nagpasalamat naman si Rodolfo L. Oadasan ng Zitanga, Ballesteros sa ATI-RTC 02 at sa mga resource person para sa tatlong araw na pagsasanay. Hiniling din niya na madagdagan pa ang mga susunod na pagsasanay upang higit pang mapalawak ang kanilang kaalaman at matulungan silang makumpleto ang mga rekisito para sa GAP certification.
Para naman kay Charilyn Foronda ng Cabayu, Ballesteros, naging mahalaga ang pagsasanay sa pagtukoy ng mga kasalukuyang gawain sa bukid na dapat baguhin, ipagpatuloy, o pagbutihin. Aniya, mas naunawaan niya ang kahalagahan ng Good Agricultural Practices sa pagprotekta sa kalusugan ng mga magsasaka at sa paglikha ng ligtas at de-kalidad na produkto.