Fri, 01/16/2026 - 20:25

Matagumpay na naisagawa ang Information Caravan hinggil sa Youth Internship Program for Children of Coconut Farmers (YIPCCF) na dinaluhan ng 80 indibidwal mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan (LGUs), kabataan, farm-partners, at mga miyembro ng asosasyon at kooperatiba mula sa iba’t ibang bayan sa Rehiyon Dos, sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela, kasabay ng livestreaming sa Facebook Page ng ahensiya noong January 15, 2026.

IMG_6224.jpg

Layunin ng aktibidad na maipalaganap ang impormasyon patungkol sa implementasyon ng programa at matiyak na maabot at mahikayat nito ang mga karapat-dapat na benepisyaryo. Kabilang sa mga dumalong LGUs ang Echague, San Manuel, at Angadanan sa lalawigan ng Isabela, habang kumpleto namang dumalo ang mga bayan sa downstream Cagayan na kinabibilangan ng Lal-lo, Abulug, Pamplona, Camalaniugan, Ballesteros, Gonzaga, Buguey, at Baggao.

IMG_6226 (1).jpg

Pinangunahan ang Information Caravan ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA) Isabela at Cagayan, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya na suportahan ang industriya ng niyog sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang oportunidad sa mga kabataang magsasaka. Sa isinagawang talakayan, ipinaliwanag ang mga layunin ng programa, mga kwalipikasyon ng aplikante, mga benepisyo, at ang mga mekanismo ng pagpapatupad nito sa antas ng lokal na pamahalaan.

IMG_5332.JPG

Mainit na binati ni Mr. Jhimcelle V. Salvador, CDMS Chief at OIC Assistant Director, ang mga kalahok at nagpahayag ng kasiyahan sa dami ng dumalo sa aktibidad. Samantala, sa mensahe ni Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska, binigyang-diin nito ang mandato ng ATI na magpalaganap ng impormasyon at pagsasanay bilang suporta sa layunin ng pamahalaan na pababain ang average age ng mga magsasaka sa bansa. Ipinunto rin niya ang mahalagang papel ng kabataan sa sektor ng agrikultura at tinukoy ang YIPCCF bilang isa sa mga pangunahing interbensyon ng ahensiya.

IMG_5374.JPG

Ayon kay Dr. Alaska, sa Rehiyon Dos, ang coconut farming ay hindi lamang pinagkukunan ng kabuhayan kundi isa nang paraan ng pamumuhay at isang lumalakas na industriya sa rehiyon, “Dito sa Region 2, coconut farming is not just a source of income. Kundi ito ay nagiging way of life na natin. Hindi na lang siya source of income pero nagiging industriya na siya sa atin,” dagdag ni Dr. Alaska.

IMG_5404.JPG

Ang Youth Internship Program ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga anak ng rehistradong magniniyog na makapagsanay at makakuha ng aktuwal na karanasan sa trabaho sa mga farm-partners. Kabilang sa mga benepisyo nito ang buwanang allowance, at start-up capital, at mga pagsasanay na magsisilbing paghahanda ng mga kabataan sa kanilang mga proposal na isasagawa sa kanilang mga sariling bukirin pagkatapos ng kanilang 9 na buwang internship program.

IMG_5394.JPG

Samantala, ibinahagi naman ni Mr. John Lio T. Casila, PDO I ng PCA Region 02 ang benepisyo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) sa Health and Medical Program. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga LGU sa maayos na pagpili ng mga benepisyaryo, episyenteng pagpapatupad ng internship, at malinaw na papel ng mga farm-partners. Ibinahagi rin ni Engr. Fhrea G. Domingo, Agirculturist II ng ATI Region 02, ang mga documentary requirements, qualifications, at benefits ng YIPCCF.

IMG_5415.JPG

Sa pamamagitan ng Information Caravan, nabigyang-linaw ang mga polisiya at alituntunin ng programa at nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na magpahayag ng kanilang mga katanungan at mungkahi. Inaasahang magsisimula sa Abril 2026 ang implementasyon ng YIPCCF Batch 2.

IMG_5436.JPG

article-seo
bad