Dalawampu’t-limang miyembro ng Indigenous Peoples (IPs) community sa Sto. Niño, Cagayan ang lumahok sa isinagawang Farm Business School (FBS) sa ilalim ng programang “CLAP for IPs” o Creating Livelihoods and Productivity for Indigenous Peoples ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), noong April 15–17, 2026.
Bahagi ang inisyatibong ito ng patuloy na pagsisikap ng ATI-RTC 02 na maabot ang mga katutubong komunidad at mabigyan sila ng angkop na kaalaman at kakayahan sa agribusiness. Sa pamamagitan ng FBS, tinuturuan ang mga magsasaka na tingnan ang kanilang sakahan hindi lamang bilang pinagkukunan ng pagkain kundi bilang isang negosyo na mula sa produksyon hanggang pagpasok sa merkado.
Ang Sto. Niño ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng lalawigan ng Cagayan, kung saan agrikultura ang pangunahing kabuhayan. Dahil sa limitadong access sa teknolohiya, merkado, at kaalaman sa agrikultura, nananatiling hamon sa maraming katutubong magsasaka ang pagpapalago ng kanilang kita, kaya’t mahalaga ang mga ganitong programang nakatuon sa kanilang sektor.
Sa pagbubukas ng pagsasanay, hinikayat ni Ms. Charebel T. Uy, agricultural extension worker (AEW) ng Sto. Niño, ang mga kalahok na aktibong makilahok at sulitin ang bawat aralin. Sunod-sunod na tinalakay ang mahahalagang paksa sa pagpapaunlad ng farm business. Ipinaliwanag ni Engr. Mandy T. Dela Cruz ang mga batayang konsepto sa pagsisimula ng farm enterprise, habang binigyang-diin naman ni Ms. Uy ang kahalagahan ng financial literacy, pagpapahalagang Pilipino, at wastong pamamahala ng pananalapi.
Sa ikalawang araw, pinangunahan ni Engr. Beverly S. Orpilla ang mga talakayan hinggil sa pagsasaka bilang isang negosyo. Tinalakay niya ang papel ng magsasaka bilang entrepreneur, pati na ang kahalagahan ng pagsusuri sa merkado, tamang pagpepresyo ng produkto, at pagbuo ng malinaw na direksyon ng farm enterprise.
Dagdag pa rito, itinuro ni Ms. Jean Randinne Y. Aquino ang pagbuo ng farm business plan, kabilang ang pagpili ng angkop na enterprise at paghahanda ng konkretong plano na maaaring iakma sa kani-kanilang sitwasyon. Sa huling bahagi ng pagsasanay, muling pinangunahan ni Ms. Uy ang diskusyon sa kahalagahan ng maayos na farm record-keeping upang masubaybayan ang kita at gastos sa sakahan.
Samantala, bahagi rin sa pagtatapos ng kanilang pagsasanay ang pagbabahagi ng mga kalahok ang kanilang natutunan at karanasan mula sa pagsasanay. “Ti nasursurok manipud idi nangrugi tayo ket nu kasano panag-saving ken agaramid iti record. Agyaman kami iti naidulin nga adal kadakami,” ani Ms. Roselyn C. Cauilan, IP member, at isa sa mga kalahok.
Ayon naman kay Ms. Madel D. Dayun, malaking tulong ang FBS sa pagpapalawak ng kanyang kaalaman. “Dagiti naadal ko ket i-invest ko tapno mai-apply ko iti inaldaw nga panagbiag,” aniya.
Binigyang-diin naman ni Mr. Ruben T. Onate ang kahalagahan ng financial literacy sa kanilang komunidad. “Natutunan ko kung gaano kahalaga ang tamang paghawak ng pera, mula sa pag-iipon hanggang sa pagdedesisyon sa gastusin at puhunan,” saad niya.
Para kay Ms. Relly G. Baguinat, nagbukas ang FBS ng bagong pananaw sa pagsasaka. “Hindi lang pala sapat ang pagtatanim. Kailangan din ng kaalaman sa pagba-budget, pag-aalaga ng pananim at hayop, at pagbebenta ng produkto,” aniya.
Ayon sa ATI-RTC 02, ang paghahatid ng FBS sa mga IP communities ay mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibong pag-unlad ng agrikultura sa rehiyon. Sa pamamagitan ng mga ganitong pagsasanay, inaasahang mas mapapalakas ang kakayahan ng mga katutubong magsasaka na maging aktibong kalahok sa agribusiness at mapabuti ang kanilang kabuhayan.
Sa kabuuan, ipinakita ng programa na sa tamang kaalaman at suporta, ang pagsasaka ay maaaring maging daan hindi lamang sa araw-araw na kabuhayan kundi sa mas matatag at napapanatiling pag-unlad ng mga komunidad.