Wed, 06/03/2026 - 18:48

Bilang paghahanda sa mga posibleng epekto ng El Niño na maaaring magdulot ng  kakulangan sa tubig, pinalakas ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02), ang kakayahan ng mga magsasaka sa paggamit ng solar-powered irrigation technology sa pamamagitan ng limang araw na Training on the Design, Installation and Operation & Maintenance of Solar-Powered Irrigation System (SPIS) – Batch 3. Ito ay ginanap noong May 25–29, 2026 sa RAMIS Agro Farm and Technical Training Center, Brgy. Marasat Grande, San Mateo, Isabela. Dinaluhan ito ng 30 magsasaka at benepisyaryo ng SPIS mula sa iba't-ibang irrigators' associations sa Lambak ng Cagayan.

Sa harap ng mga hamon at banta ng El Niño, itinuturing na mahalagang bahagi ng climate-resilient agriculture ang paggamit ng Solar-Powered Irrigation System. Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, nagkakaroon ng mas maaasahang mapagkukunan ng patubig ang mga magsasaka habang nababawasan ang kanilang gastos sa enerhiya at pagdepende sa fossil fuel.

Upang higit na mapakinabangan ang naturang teknolohiya, sumailalim ang mga kalahok sa serye ng hands-on exercises kung saan aktuwal silang nagdisenyo, nag-install, nag-wire, at nagsagawa ng troubleshooting ng Solar-Powered Irrigation System. Natutunan din nila ang wastong pagpaplano ng sistema, operation and maintenance procedures, at pamamahala ng SPIS upang matiyak ang episyente, ligtas, at pangmatagalang paggamit nito sa kanilang mga sakahan.

19e34e41-9803-4719-bdbf-21bf1fc48d1b.jpg

Ang mga kalahok ay binubuo ng mga benepisyaryo ng SPIS mula sa National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) Division III at NIA Region 02, kasama ang ilang kinatawan ng nasabing ahensya. Layunin ng pagsasanay na matiyak na ang mga benepisyaryo ay may sapat na kaalaman at kasanayan hindi lamang sa pagpapatakbo kundi maging sa pagpapanatili at pamamahala ng mga solar-powered irrigation facilities sa kanilang mga lugar.

Bukod sa mga praktikal na gawain, tinalakay rin sa pagsasanay ang mga pangunahing konsepto ng SPIS, mga bahagi at gamit nito, safety precautions, economic viability ng solar-powered irrigation system kumpara sa mga sistemang gumagamit ng diesel, at ang paggamit ng solar-powered drip irrigation system para sa mas episyente at matipid na paggamit ng tubig—isang mahalagang konsiderasyon lalo na sa panahon ng kakulangan sa suplay ng tubig.

Ibinahagi ni Licelle Lauren E. Palacol ng Tagumpay Irrigators Association ang kahalagahan ng pagsasanay para sa mga magsasakang nagnanais matuto ng mga makabagong teknolohiya sa agrikultura. “Pharmacist po ako by profession pero farmer by heart. Marami po akong natutunan, lalo na tungkol sa drip irrigation at pamamahala ng solar-powered irrigation system. Kahit babae po ako, natutunan kong kaya ko ring pangasiwaan at maituro ito sa aming mga kasamahan sa samahan,” ani Palacol.

ccd76e8d-6ba3-4f61-8e05-3b5247ec015f.jpg

Binigyang-diin naman ng isang kinatawan mula sa Samahang Magbubukid-Batug Minanga Sisim Alto Irrigators Association ang malaking pakinabang ng teknolohiyang solar-powered irrigation sa kasalukuyang kalagayan ng sektor ng agrikultura. “Napakaimportante ngayon ng solar dahil patuloy na tumataas ang presyo ng langis. Malaking tulong sa amin ang natutunan naming pagdidisenyo, pag-install, pag-wire at maintenance ng SPIS. Ang kaalaman sa drip irrigation ay makatutulong din sa pagtitipid ng tubig at pagpapabuti ng aming produksyon,” aniya.

Para naman kay Reynaldo P. Samilin ng NIA Mallig, Isabela, mahalagang maipasa sa iba pang miyembro ng kanilang organisasyon ang mga natutunang kaalaman upang mas marami pang magsasaka ang makinabang sa teknolohiyang makatutulong sa pagpapatatag ng kanilang produksyon.

Pinuri ni Jhimcelle V. Salvador, Chief ng Career Development and Management Support Section (CDMSS) ng ATI-RTC 02, ang dedikasyon at aktibong pakikilahok ng mga kalahok sa buong pagsasanay. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng ATI, NIA, at Department of Agriculture sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga magsasaka hinggil sa mga teknolohiyang makatutulong sa pagtitipid ng tubig at pagpapataas ng produktibidad sa agrikultura.

706ec398-a401-4863-8e7b-000572fb51d5.jpg

Sa pamamagitan ng mga kaalaman at kasanayang kanilang natamo, inaasahang magiging mas handa ang mga benepisyaryo ng SPIS sa pagharap sa mga hamon ng pagbabago ng klima, kabilang ang posibleng tagtuyot at kakulangan sa tubig. Higit sa lahat, inaasahang makatutulong ang teknolohiyang solar-powered irrigation sa pagpapanatili ng produksyon ng pagkain, pagpapababa ng gastusin sa pagsasaka, at pagpapalakas ng katatagan ng sektor ng agrikultura sa Lambak ng Cagayan.

article-seo
bad