Ibinida ng mga mag-aaral mula sa Isabela State University (ISU) – San Mariano Campus at Nueva Vizcaya State University (NVSU) – Bayombong Campus ang kanilang mga natutunan mula sa ilang buwan na On-the-Job Training (OJT) sa ATI-RTC 02 sa isinagawang OJT Exit Program ngayong araw, April 30, 2026, sa ATI-RTC 02 Malasin, San Mateo, Isabela.
Ang programa ay nagsilbing pormal na pagtatapos ng kani-kanilang hands-on training. Matatandaan na nagsimula ang ISU-San Mariano Campus sa kanilang 486 hours OJT sa February 2, 2026, habang ang NVSU-Bayombong Campus ay nagsimula noong March 4, 2026 sa kanilang 240 hours OJT sa ATI-RTC 02.
Sa kanilang Exit Program, nagbahagi ng kani-kanilang karanasan at pasasalamat ang mga intern, na nagpatibay sa positibong epekto ng kanilang pagsasanay sa ATI Region 02. “Hindi po namin naramdaman na OJT kami, kundi bahagi kami ng ahensiya,” ani Jessabel B. Laga ng NVSU, na sumasalamin sa mainit na pagtanggap ng institusyon sa mga intern. Dagdag pa ni Rhea Mae T. Lamintao ng NVSU, “Dahil sa inyo, handa na kaming harapin ang bukas,” bilang pagkilala sa ambag ng ATI-RTC 02 sa kanilang paghahanda sa hinaharap.
Kabilang sa mga nagtapos mula sa ISU-San Mariano sina Richell C. Cullannay, Mark Redentor E. Dela Cruz, Mark Angelo B. Diarios, Joshua G. Gallato, John Loyd A. Gallato, Roy D. Patricio, at Alena Jane L. Vinasoy. Samantala, mula sa NVSU-Bayombong ay sina Marwininie A. Lugiawe, Rhea Mae T. Lamintao, Junjel P. Alitan, Kate Rejoice B. Ballogan, Jessabel B. Laga, Glenda L. Julian, Andin A. Florence, Regina Vien M. Viernes, Donita Rose N. Cajical, at Josie B. Bagiwan.
Sa kanilang mga pagbabahagi, binigyang-diin ng mga intern na higit pa sa teknikal na kasanayan ang kanilang natutunan. Kabilang ang disiplina, propesyonalismo, at tamang pakikitungo sa kapwa. Ayon kay Richell C. Cullannay, “Disiplina, hindi lang trabaho ang natutunan ko,” habang ibinahagi naman ni Alena Jane L. Vinasoy ang kahalagahan ng ethics at real-world work experience na kanilang naranasan. Aniya, “Napalakas ko ang aking mga kasanayan at nahubog ang aking pagkatao. Naging mas responsable at mas kumpiyansa ako, at mas lumalim ang aking pag-unawa sa totoong professionalism sa ATI-RTC 02.”
Ipinakita rin ng ilang intern ang kanilang kakayahan sa inobasyon. Tampok ang proyekto para sa ARUBAYAN ni Joshua G. Gallato, isang smart irrigation system na gumagamit ng Arduino at SMS technology upang mapahusay ang pangangalaga sa mga pananim. Samantala, ipinresenta ni Mark Angelo B. Diarios ang SmartBin, isang automated waste segregation system na naglalayong mapabuti ang waste management at suportahan ang agrikultura sa pamamagitan ng proper sorting and composting sa ahensiya. Kaya naman, umaasa ang ATI management na maisasagawa ang mga nasabing inobasyon sa mga susunod na mga araw.
Samantala, sa kanyang mensahe, kinilala ni Center Director Dr. Claris Marayag-Alaska ang mahalagang ambag ng mga trainee sa mga aktibidad at programa ng ATI sa kanilang pananatili ng ilang buwan sa Center. Hinikayat din niya ang mga ito na dalhin at ibahagi ang mga pagpapahalagang kanilang natutunan sa kanilang susunod na tatahakin“I hope you felt that you were truly part of the workforce here at ATI-RTC 02, and not just trainees, but valued members of the agency. Sana marami kayong natutunan sa amin. Pakibahagi ang mga pagpapahalagang inyong natutunan mula sa amin, upang ito ay mapakinabangan pa ng mas nakakarami,” dagdag ni Dr. Alaska.
Nagpasalamat din si Dr. Sherwin S. Ravana, OJT Coordinator ng ISU San Mariano, sa magandang partnership sa ATI-RTC 02. Nagpasalamat rin ito sa pagtanggap at pagngangalaga sa mga intern ng ilang buwan. Muli rin nitong pinaalalahanan ang mga estudyante. “Matutong makipagkaibigan, magbuo ng network, at patuloy na matuto mula sa iba. Nariyan na ang inyong mga kasanayan, ngunit maaari pa itong mas mapalawak—kasabay ng paghubog ng inyong pagkatao. Sapagkat ang kasanayan ay napag-aaralan, ngunit kung ang karakter ay hindi nade-develop at nababago, ang lahat ay walang saysay.”
Nagbigay rin ng mga mensahe ang mga section chief at unit head ng ATI, kabilang ang ilan sa mga representative ng bawat section, na nagpahayag rin ng kanilang pasasalamat at nagbigay-payo sa mga estudyante. Pinuri rin nila ang sipag at dedikasyon ng mga intern at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang paglinang sa kanilang kakayahan at karakter.