Tue, 05/05/2026 - 19:30

“Ngayon, alam na namin kung paano alagaan nang maayos ang aming mga layers. Mula sa pagpili ng healthy stocks hanggang sa pag-iwas sa sakit.” Ito ang naging pagbabahagi ni Ms. Christine May G. Curammeng, isa sa mga kalahok, matapos ang tatlong araw na Training on Chicken Layer Production na isinagawa sa Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) Cabagan Center, Garita Heights, Cabagan, Isabela, noong April 28–30, 2026.

677207270_935871699365933_3586894408464737736_n.jpg

Dinaluhan ng 26 benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), layunin ng pagsasanay na palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa produksyon ng itlog bilang isang potensyal at tuloy-tuloy na pinagkukunan ng kita. Ang aktibidad ay bahagi ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP), isang pambansang inisyatiba na naglalayong pagdugtungin ang mga magsasaka at organisasyon sa mas matatag na merkado, kabilang ang institutional buyers.

Ayon sa Department of Agriculture, nananatiling isa sa pinakamahalagang subsektor ng agrikultura ang poultry industry sa Pilipinas, kung saan ang itlog ay itinuturing na abot-kaya at mahalagang pinagkukunan ng protina ng maraming Pilipino. Sa Cagayan Valley, patuloy na hinihikayat ang maliliit na magsasaka at organisasyon na pumasok sa layer production upang matugunan ang lokal na demand at mapalakas ang kabuhayan sa kanayunan.

b0cc3b02-7d84-4435-8225-1349b0cc9c32.jpg

Sa kanyang mensahe sa pagtatapos ng programa, binigyang-diin ni Dr. Claris Marayag-Alaska, Center Director ng ATI-RTC 02, na ang kaalaman at kasanayang natutunan ng mga kalahok ay magsisilbing pundasyon sa tagumpay ng kanilang mga proyekto at organisasyon.

Tinalakay sa mga sesyon ang iba’t ibang aspeto ng chicken layer production. Ipinaliwanag ni Mr. Merwin Lazaro ang kabuuang kalagayan ng industriya, kabilang ang market demand at mga oportunidad sa negosyo, pati na rin ang tamang housing at environmental management.

677532865_1113531980980206_6697762685066936881_n.jpg

Samantala, ibinahagi ni Ms. Noemie Valdez ang kahalagahan ng tamang pagpili ng lahi ng manok batay sa klima, kakayahang mangitlog, at efficiency sa feeds.

Mas pinalalim pa ang kaalaman ng mga kalahok sa pamamagitan ng diskusyon ni Mr. Einar M. de Mesa ng Jesla Poultry Farm, na tumalakay sa nutrition at feeding management, health at disease prevention, pati na rin ang tamang paghawak at pag-grade ng itlog. Ipinakita rin niya ang kahalagahan ng cost and return analysis upang matiyak ang kakayahang kumita ng proyekto.

Isang mahalagang bahagi ng pagsasanay ang isinagawang field visit sa Jesla Poultry Farm, kung saan nagkaroon ng hands-on activities ang mga kalahok tulad ng feed mixing, egg collection, at sorting na nagbigay ng aktwal na karanasan sa operasyon ng poultry farm.

677227741_1643088143571135_867860134863020634_n.jpg

Ayon kay Mr. Jerry F. Lumaban, isa pang kalahok, malaking tulong ang pagsasanay sa pagpapalawak ng kanyang kaalaman. “Dahil sa training na ito, mas naintindihan ko ang nutrition feeding management at kung paano mas mapapaganda ang aming poultry project,” aniya.

Ibinahagi rin ni Ms. Maye E. De Guzman na naging mahalaga ang kanyang pagdalo sa training sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan noong una. “Hindi ako nagsisi na sumali ako. Marami akong natutunan na maaari kong i-apply sa aming poultry, at mas naging malinaw sa akin ang tamang proseso ng pag-aalaga ng layers,” saad niya.

676488661_1952937911980434_3294981019790231034_n.jpg

Sa pagsasagawa ng opening program, binigyang-diin ni Ms. Francisca C. Yuro, Media Production Specialist II, ang kahalagahan ng pagsasanay sa pagpapatibay ng kanilang mga proyekto. Pinangunahan naman ni Mr. Orlando Tecson, Technical Support Staff, ang pagpapakilala ng mga kalahok at inilahad ni Ms. Noemi O. Valdez, Training Specialist II, ang kabuuang daloy at layunin ng training. 

 

article-seo
bad