Matagumpay na naisagawa ang limang araw na Training on Writing Business Enterprise Proposal na nilahukan ng 15 youth interns at 7 farm partners/representatives mula sa Youth Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) at Youth Internship Program for Corn Young Farmers. Layunin ng pagsasanay na ito na ihanda ang mga kabataang kalahok sa pagsisimula ng kanilang mga organic agriculture at corn-based agri-enterprises, na may Php150,000.00 start-up capital.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ang Basic Farm Business Concepts, Financial Literacy, The Farmer as an Entrepreneur, Farm Business Profitability, at Business Enterprise Proposal Development. Nagsilbing lecturers sina Ms. Jennilyn V. Pablo, Ms. Kathlyn V. Oliviaga, at Engr. Johnson S. Lameg mula sa ATI-RTC 02.
Nagkaroon rin ng field visit at knowledge-sharing session sa mga matagumpay na agri-enterprise na pinangunahan nina Ms. Kharen Chin Oliveros ng R&D Oliveros Institute of Technology and Agri-Tourism Corporation, at Mr. Mel P. Palomo ng Mikaileen Integrated Farm.
Sa huling bahagi ng pagsasanay, nagkaroon ang mga intern ng workshops sa paggawa ng Farm Vision, pagbabalangkas ng Business Enterprise Proposals, at presentation sa harap ng panel na pinamunuan ni ATI-RTC 02 OIC-Center Director, Dr. Claris M. Alaska. Layunin nito na mas higit pang mapahusay ang kanilang mga plano bago isakatuparan ang kanilang mga negosyo sa larangan ng agrikultura.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga intern sa kanilang natutunan at mas nahasa pa ang kanilang kaalaman sa pagsisimula ng kanilang sari-sariling negosyo. Ayon kay Mark C. Dela Cruz mula sa San Guillermo, Isabela, “Madami tayong natutunan especially sa paggawa ng proposal at mag-budget sa farm. Salamat sa bagong family at sa mga farm partners natin, lalo na sa ATI family sa pag-assist sa amin,” saad ni Dela Cruz.
Ibinahagi naman ni Devorah A. Banida ng Kasibu, Nueva Vizcaya ang kaniyang karanasan sa training. “More trainings about organic agriculture opened our minds — may pera pa rin sa farming kung ito’y maayos na pinaplano,” saad ni Banida.
Samantala, ayon naman kay Jefrey B. Suerte, isa sa mga intern, “Natuto kami ng practical na practices sa farm at kung paano gumawa ng business proposal na may solidong financial management at strategies.”
Ang limang araw na pagsasanay na ito ay patunay na kayang-kaya ng kabataang Pilipino na maging matagumpay sa agri-negosyo. Patuloy ang ATI-RTC 02 sa pagtutok at paghubog sa mga bagong henerasyon ng mga agripreneur ng bayan.