Wed, 05/13/2026 - 10:29

Nagsagawa ng limang araw na pagsasanay hinggil sa Participatory Guarantee System (PGS) ang Agricultural Training Institute – Regional Training Center 02 (ATI-RTC 02) katuwang ang Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DARFO02), at suportado ng Lokal na Pamahalaan ng Lal-lo, Cagayan.

Ginanap mula May 4 hanggang 8, 2026 sa Lal-lo Multi-Purpose Center ang Training on Certified Participatory Guarantee System (PGS) Towards Accreditation as an Organic Certifying Body, na dinaluhan ng 20 members ng Soil Regenerative Advocates of Cagayan Participatory Guarantee System, Inc. o SRACPGSI.

Layunin ng pagsasanay na ihanda ang organisasyon sa proseso ng akreditasyon bilang Organic Certifying Body (OCB). Ito’y isang mahalagang requirement upang makapagbigay ng participatory organic certification sa mga magsasakang sumusunod sa pambansang pamantayan ng organic agriculture.

IMG_7711.jpg

Ang Participatory Guarantee System o PGS ay isang community-based certification system na kinikilala sa ilalim ng Republic Act No. 11511 o ang inamyendahang Organic Agriculture Act of the Philippines. Ito ay isang mas abot-kayang alternatibo sa third-party certification para sa maliliit na magsasaka at nakatuon sa peer review, transparency, at kolektibong pananagutan sa produksyon ng ligtas at organikong pagkain.

Sa kasalukuyan, patuloy na isinusulong ng Department of Agriculture at ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) ang pagpapalawak ng PGS sa iba’t ibang rehiyon bilang bahagi ng pagpapalakas ng food security, environmental protection, at sustainable agriculture sa bansa.

IMG_7721.jpg

Isa sa pinakamahalagang output ng pagsasanay ang pagbuo ng Manual of Operations at Internal Standards ng SRACPGSI, na magsisilbing pangunahing gabay ng organisasyon sa implementasyon ng inspection procedures, certification processes, at pagsunod sa Philippine National Standards for Organic Agriculture.

Pinangunahan ang mga lecture at workshop nina Mr. George A. Caday, Senior Agriculturist at Organic Focal Person ng DA-RFO 02, Ms. Jennilyn V. Pablo, Project Officer at Organic Focal Person ng ATI-RTC 02, at Ms. Jaylyn Jane Anama, Agriculturist I ng DA-RFO 02.

Nagbigay rin ng suporta ang Lokal na Pamahalaan ng Lal-lo sa pangunguna ni Vice Mayor Hon. Maria Olivia B. Pascual, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga programang nagtataguyod ng organic farming sa nasabing bayan. “Kapag sinabi mong organic farming, hindi lamang ito tungkol sa produksyon kundi pagmamahal sa kalusugan at kalikasan. Nandito kayo upang maging katuwang ng LGU sa pagmomonitor at pagpapalaganap ng ligtas na produksyon ng pagkain,” ani Pascual.

IMG_7759.jpg

Dumalo rin si Municipal Administrator Atty. Racquel Fronda, kinatawan ni Mayor Florence Oliver B. Pascual, kasama si Municipal Agriculturist Ms. Josephine A. Acebedo, bilang pagpapakita ng buong suporta ng LGU sa layunin ng grupo na makamit ang PGS accreditation.

Samantala, ibinahagi naman ng mga kalahok ang kanilang inspirasyon at bagong pananaw matapos ang pagsasanay. Ayon kay Mr. Erwin T. Invierno, core member ng SRACPGSI, naging mas malalim ang kanyang pananaw sa tungkulin ng isang organic farmer. “Hindi lang pala kami basta magsasaka. May responsibilidad kaming maging lider at tagapagtaguyod ng ligtas at masustansyang pagkain habang pinangangalagaan ang kalikasan,” saad ni Invierno.

613ce1c6-5535-49a6-a2c2-7c0ca25f0442.jpg

Para naman kay Ms. Natividad E. Sinco, mahalagang naging daan ang training upang higit pang mapatatag ang samahan ng grupo. “Marami akong bagong natutunan at mas nakita ko ang kahalagahan ng pagkakaisa para maabot namin ang layunin na ma-accredit ang aming organisasyon.”

Ipinahayag din ni Mr. Ricky A. Cabañero, presidente ng SRACPGSI, ang kanyang pasasalamat sa patuloy na suporta ng mga ahensya at lokal na pamahalaan. “Napakahirap ng naging simula namin bilang kauna-unahang organic agriculture group sa Cagayan, pero ngayon ay malapit na naming maabot ang accreditation. Sana ay maipagpatuloy ito hanggang sa susunod na henerasyon.”

IMG_7905.jpg

Matatandaang kamakailan lamang ay nakamit ng limang core farmer-members ng SRACPGSI ang kanilang Participatory Organic Certification mula sa BAFS, isang mahalagang hakbang tungo sa pagiging ganap na accredited PGS-Organic Certifying Body ng organisasyon.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagpahayag ng panibagong pangako ang mga kalahok na higit pang palalawakin ng mga ito ang pagsusulong ng organikong pagsasaka sa kanilang lugar at iba pang bahagi ng Cagayan bilang ambag sa mas ligtas, likas-kaya, at matatag na sistema ng produksyon ng pagkain sa Lambak ng Cagayan.

IMG_7860.jpg

article-seo
bad