Magiging katuwang sa pagsulong ng paggamit ng biological control agents (BCAs) para sa produksyon ng mais sa ang 30 Learning Site for Agriculture (LSA) Cooperators mula sa iba’t-ibang panig ng rehiyon matapos ang matagumpay na pagsasanay sa ATI-RTC 02, Malasin, San Mateo, Isabela, noong Hulyo 14–16, 2025.
Layunin ng pagsasanay na bigyan ng sapat na kaalaman, praktikal na kasanayan, at tamang pananaw ang mga kalahok upang maisulong ang sustainable pest management na hindi nakadepende sa labis na paggamit ng kemikal na pestisidyo. Kabilang dito ang pagpapalaganap ng Integrated Pest Management (IPM) para sa ligtas at epektibong pamamahala ng peste.
Tinalakay ng mga eksperto mula sa ATI-RTC 02 at Department of Agriculture - Regional Crop Protection Center (DA-RCPC), ang mga pangunahing konsepto at prinsipyo ng IPM, kabilang ang pisikal/mekanikal, kultural, at biyolohikal na pamamaraan ng pagkontrol ng peste. Matapos ang mga lektura, nagtungo ang mga kalahok sa Brgy. Old Centro, San Mateo, Isabela para sa field practicum kung saan isinagawa ang aktwal na aplikasyon ng BCAs.
Nagbahagi rin ng kanilang karanasan ang ilang farmer leaders. Ayon kay Grand Julius P. Castañeda ng San Guillermo, Isabela, “I learned in this training the early detection of different pest is better and effective way of addressing corn pest and diseases and the proper use of biological control agents.” Para naman kay Emmanuel D. Castillo Jr. ng Delfin Albano, Isabela, malaking tulong ang pagsasanay dahil “Alam ko na ang tamang timing kung kailan mag-spray at kung saan ilalagay ang mga trichogramma. Pati na rin kung paano ang pag-puksa ng daga. Kailangan po talaga namin itong training dahil in the future magiging organic practitioner na kami.” Dagdag pa ni Christine Joy Panabang ng Ilagan City, “Through this training I gained some knowledge in identifying biological control agents, proper application and monitoring techniques to ensure successful pest management… we farmers empower to adopt more eco-friendly and sufficient farming methods contributing and sustainable corn production.”
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang mga kalahok sa bagong kaalaman at kasanayan, lalo na sa paggamit ng BCAs na makatutulong upang maprotektahan ang kanilang pananim habang pinananatiling ligtas ang kanilang sakahan, pamilya, at kapaligiran.